Filtered By: Topstories
News

Panukalang pensiyon sa mga atleta lusot na sa komite sa Kamara


MANILA – Lusot na sa House committee on youth and sports development ang pinagsamang mga panukalang batas na naglalayong pagkalooban ng buwanang pensiyon ang mga propesyunal na atletang Pinoy na magbigay ng karangalan sa Pilipinas. Sakaling tuluyang maging batas, tatanggap ng P15,000 buwanang pensiyon ang mga nabubuhay professional Filipino athletes na nanalo ng world title o world championship sa larangan na kanilang sinalihan. Kabilang sa mga maaaring makinabang sa panukala ay sina dating WBC Jr. Lightweight champion Rolando Navarette, track-and-field champions Lydia de Vega, Elma Muros-Posadas at iba pa. Naging laman noon ng balita si Navarrete, binansagan na “Bad Boy From Dadiangas," dahil sa naging misarableng buhay nito nang matigil na sa boksing matapos makulong at matalo sa mga laban. Ang mga pinagsama-samang panukalang batas ay inihain nina Reps. Mark Villar (Las Pinas), Mark Aeron H. Sambar (party-list PBA), at Pedro Acharon (South Cotabato). “We have to give our champions the necessary benefits they deserve, especially during their retirement days," pahayag ni Villar, anak ni Senador Manny Villar. Bukod sa P15,000 monthly pension, isinulong ng komite na bigyan din ng health benefits ang mga atletang naging world champion, at nagretiro pagsapit sa kanilang edad na 50. "This bill will be of great help to them when they retire," ayon naman kay Sambar, vice chairman ng komite, at kaalyado ni Sarangani Rep. Manny Pacquiao, kabilang sa mga maaaring makinabang sa panukala dahil sa walong titulo na napanalunan nito. Pinakahuli ang WBC super welterweight crown matapos niyang talunin ang mas malaki na si Antonio Margarito Cowboys Stadium sa Arlington, Texas noong Linggo. Ipinaliwanag ng mga kongresista na maraming atleta ang naghihikahos sa buhay matapos na magretiro sa kanilang propesyon. Nararapat lang umano na makakuha ng suporta ang mga atleta mula sa pamahalaan dahil nagawa rin nilang mag-alay ng buhay kapalit ng karangal para sa bansa. Ilan pa sa mga kilalang professional atlehts na naghatid ng karangalan sa Pilipinas ay sina bowling hall-of-famer Paeng Nepumuceno, two-time pool player world champion Efren "Bata" Reyes; ang 68-anyos na ngayon na dating Lightweight title holder na si Rene Barrientos; at dating WBA Jr Lightweight Ben Villaflor, 68-anyos; at dating WBA Flyweight Bernabe Villacampo, na 67-anyos na ngayon. "Our professional world champion athletes that have not yet reached the retirement age of 50 but could no longer pursue their profession in the field would be given gainful employment. They could be tapped as coaches or trainers to our budding new athletes," ayon kay Sambar. "The lifetime retirement incentive being granted to our professional athletes is our way of acknowledging their achievement and the prestige and honor that they brought to our country," dagdag pa niya. - GMANews.TV