Filtered By: Topstories
News

2 Pinoy pinaslang ng katrabaho sa Riyadh; Itinuturong suspek nagpatiwakal


JEDDAH, Saudi Arabia – Dalawang overseas Filipino workers (OFWs) na nagtatrabaho sa Riyadh ang pinaslang umano ng kanilang katrabaho. Samantalang ang itinuturong suspek sa krimen na isang Bangladesh national ay sinasabing nagpatiwakal. Batay sa paunang impormasyon na nakalap kay Philippine Vice Consul Roussel Reyes, sinabing ang mga Pinoy ay pinaslang sa mismong lugar kung saan sila nagtatrabaho. Hindi pa umano makuha ang buong detalye ng krimen (kung papaano pinaslang ang mga biktima, maging ang pagpapatiwakal ng suspek) dahil patuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya sa Riyadh. Nasa morgue pa rin umano ang mga labi ng dalawang OFWs at maiuuwi lamang kapag nagbigay na ng clearance ang pulisya na tapos na ang kanilang imbestigasyon, ayon kay Reyes. Idinagdag ng opisyal na nabigyan na nila ng abiso ang pamilya sa Pilipinas ng dalawang OFWs tungkol sa sinapit ng mga biktima. Inihayag naman ni Philippine Charge d’ Affairs Ezzedin Tago na tinututukan ng embahada ang kaso upang maipagkaloob ang kinakailangan tulong para maiuwi kaagad sa bansa ang mga labi ng mga nasawing OFWs. - Ronald Concha, GMANews.TV

Tags: ofws, slainofws