Filtered By: Topstories
News

Kampo ni Lacson muling humirit sa CA na suspindihin ang arrest warrant sa senador


MANILA – Muling hiniling ng kampo ni Senador Panfilo Lacson sa Court of Appeals (CA) na suspindihin ang arrest warrant na ipinalabas ng mababang korte laban sa mambabatas kaugnay sa pagkakasangkot nito sa Dacer-Corbito murder case. Iginiit ng mga abogado ni Lacson sa inihaing tatlong pahinang manipestasyon sa CA na sina Attys. Alexander Poblador at Jaime Hofilena, na walang sapat na batayan para ipadakip ang kanilang kliyente. Iginiit nila na ang tanging basehan umano sa pagpapalabas ni Manila court judge Myra Garcia-Fernandez ng arrest warrant kay Lacson, ay ang sinumpaang salaysay na isinumite ni dating police Senior Supt. Cezar Mancao II noong Pebrero 13, 2009. Nakasaad sa naturang affidavit na narinig ni Mancao ang pag-uusap nina Lacson (dating hepe ng Philippine National Police) at kapwa opisyal na si dating Senior Supt Michael Ray Aquino, tungkol sa plano na "to neutralize or liquidate" ang dating publicist na si Salvador "Bubby" Dacer. Bukod kay Dacer, kasamang dinukot at pinatay noong Nobyembre 2000 ang drayber nito na si Emmanuel Corbito. Ngunit sa pinakahuling pahayag umano ni Mancao sa korte kaugnay sa pagdinig sa kaso, sinabi ng kampo ni Lacson na binanggit mismo ni Mancao na nalaman lang niya ang krimen matapos na itong maganap. "His testimony, therefore, that he overheard the alleged plan being discussed prior to its commission, is nothing but pure fabrication," paliwanag ng mga abogado ng senador. Bukod dito, inamin din umano ni Mancao sa korte na maliban sa kanyang testimonya ay wala na siyang ibang direktang katibayan na magpapatunay na sangkot si Lacson sa krimen. "The testimony of Mancao, which as discussed in the petition, is patently unreliable. These admissions underscore the total lack of probable cause to issue warrants against Senator Lacson," pagdiin ng mga abogado ng mambabatas. Nitong Agosto 2010, naghain din ng affidavit si Aquino habang nakapiit sa US na itinatanggi na inutusan siya ni Lacson na patayin si Dacer. Si Aquino ay nakapaiit sa US habang dinidinig ang kanyang kaso na mapabalik sa Pilipinas bilang akusado rin sa Dacer-Corbito case. Nais ng kampo ni Lacson na suspindihin ang arrest warrant laban kay Lacson at muling pag-aaralan ng Department of Justice ang kaso. Una rito, mariing itinanggi ni Lacson na sangkot siya sa krimen at inakusahan ang dating administrasyon ni Gloria Arroyo na ginagamit ang naturang usapin para siya gipitin. Dahil sa pagtuloy na pagtatago, nagdesisyon ang liderato ng Senado na suspindihin ang pagbibigay ng pondo sa tanggapan ni Lacson at maging ang suweldo ng mambabatas. - GMANews.TV