Filtered By: Topstories
News

Dating pulis na hinatulang makulong sa Vizconde massacre lalaya na


MANILA – Kinumpirma ni Justice Secretary Leila de Lima nitong Biyernes na lalalaya na ang isa sa mga hinatulang akusado sa Vizconde massacre noong Enero 2000. Sa text message sa GMANews.TV, sinabi ni De Lima na pinirmahan na niya ang rekomendasyon ng Bureau of Corrections na palayain si Gerardo Biong, dating pulis sa Paranaque. "Based on the records, he (Biong) had served [his] sentence already," ayon sa kalihim. (Basahin: The Vizconde Massacre) Si Biong ay hinatulan na makulong ng mula 11 hanggang 12-taon noong Enero 2000 matapos hatulan na “accessory to the crime" dahil sa pagsira umano sa mga ebidensiya kaugnay sa pagkamatay ng mag-iinang sina Estrellita, Carmella, at Jennifer Vizconde noong Hunyo 1991. Bukod kay Biong, hinatulan din ng Parañaque Regional Trial Court Branch 274 na makulong ng habambuhay sina Hubert Webb, Peter Estrada, Hospicio Fernandez, Michael Gatchalian, Antonio Lejano II at Miguel Rodriguez. Sa hiwalay na panayam sa abogado ni Biong na si Atty Jose Flaminiano, sinabi nito na hindi pa niya alam kung kailan ang eksaktong araw na maaaring palayain ang kanyang kliyente. Nakapiit si Biong sa New Bilibid Prison sa Muntinlupa City. Nagsimula siyang makulong noong Sept 6, 1995 habang isinasagawa ang paglilitis sa kaso. Sa isang ulat ng GMA news 24 Oras nitong Biyernes, sinabing sa Lunes posibleng makalaya si Biong. Akusa ni Lauro vs Webb Dalawang akusado pa sa kaso na hinatulan ng korte – sina Artemio Ventura at Joey Filart - ang patuloy na nakalalaya. Samantala, nakatakdang desisyunan ng Korte Suprema ang apela ng kampo ni Webb na pawalang-sala ang anak ni dating Senador Freddie Webb. Isa sa mga idinahilan ng kampo ni Webb para palayain si Hubert ay ang pagkawala ng specimen na nakuha sa maselang bahagi ng katawan ni Carmella na sinasabing semilya ng akusado. (Basahin: DNA specimen in Vizconde case no longer with NBI) Ang paghanap sa naturang semilya ay ginawa matapos payagan ng SC na maisalang ito sa DNA analysis. (Basahin: SC okays Webb DNA test to see if it fits Vizconde rape sample) Nitong Biyernes, inakusahan ni Lauro Vizconde, na may mahistrado sa SC na gumagapang upang mapawalang sala ang akusado sa pagpaslang sa kanyang mag-iina na si Webb. Ang alegasyon ni Lauro ay pinabulaanan ng pamilya ni Webb, samantalang tinawag na “hearsay" ni Atty Jose Midas Marques, tagapagsalita ng SC, ang akusasyon laban sa mahistrado. - GMANews.TV