Filtered By: Topstories
News

24 na saksak, binaril pa: Buntis himalang nakaligtas sa salvage


Sa kabila ng mga saksak at tama ng bala na tinamo sa katawan, himalang nakaligtas sa kamatayan ang isang babae at ang apat na buwang sanggol sa kanyang sinapupunan. Ang itinuturong nasa likod ng bigong pagpatay, dalawang pulis na nakapiit ngayon sa lalawigan ng Laguna. Sa ulat ni GMA News reporter Raffy Tima sa primetime news 24 Oras nitong Biyernes, sinabi nito na nakaratay ngayon sa isang ospital sa Laguna ang biktima na itinago sa pangalang “Jane." Dahil dalawa pa lamang sa tatlong suspek ang nadakip, mahigpit ang seguridad ng mga pulis sa ospital na kinaroroonan ng biktima. Ligtas na umano sa kamatayan si Jane, at ang baby sa kanyang sinapupunan. Sa hiwalay na ulat ni GMA News reporter Emil Sumangil, sinabi nito na sinampahan na ng kasong abduction at frustrated murder ang mga suspek na sina PO1 Antenor Mariquit at PO2 Mario Natividad. Patuloy naman na pinaghahanap ang isa pang suspek na kinilala lamang sa alyas na “Toto."
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV Batay sa source ng GMA News, ang dalawa ay kapwa nakatalaga sa intelligence unit ng Rizal PNP. Tumanggi umano sina Mariquit at Natividad na magbigay ng pahayag tungkol sa alegasyon ni Jane laban sa kanila. Dinukot sa Rizal Lumitaw sa imbestigasyon ng Laguna PNP na dinukot si Jane sa bahay nito sa Angono, Rizal at isinakay sa isang sasakyan patungo sa Laguna. Sa sasakyan ay binalutan umano ng packaging tape ang bibig ng biktima. Sa isang madilim na bahagi ng highway sa Pagsanjan, Laguna, ibinaba umano ng sasakyan si Jane. Sa kabila ng pagmamakaawa para sa sanggol sa kanyang sinapupunan, pinagsasaksak at binaril pa rin siya at saka inihulog sa bangin. “Meron isa tayong witness na nakapagsabi nga na nadinig niya na merong putok at bandang three ng madaling araw me kumakatok na sa kanya. At ito na nga ‘yong babae humihingi ng tulong at agad-agad na tinulungan at dinala sa ospital," pahayag ni P/Supt Gilbert Cruz, director ng Laguna-PNP. Sa lugar na pinaghulugan sa biktima, nakita rito ang bahagi ng packaging tape, tsinelas at isang basyo ng bala mula sa 9 mm pistol. Hinihinala na nais itumba ng mga suspek si Jane dahil sa paniwala nila na ang biktima ang nagsusumbong tungkol sa umano’y “hulidap" operation ng mga pulis. Ayon kay Jane, bago siya saksakin ng mga suspek ay may inamin ang mga ito sa kanya: “Binanggit po nila na sila po daw ang pumatay sa tiyuhin ko." Inaalam na rin ng mga imbestigador kung “asset" ng mga pulis si Jane kaya posibleng marami itong nalalaman sa aktibidad ng suspek. Labis naman na ikinalungkot ni P/Chief Supt Samuel Pagdilao, provincial director ng Calabarzon-PNP, ang pagkakasangkot ng mga pulis sa naturang karumal-dumal na krimen. Kasabay nito ay tiniyak ng opisyal na maibibigay ang katarungan sa biktima. - Fidel Jimenez, GMANews.TV

Tags: salvage