Filtered By: Topstories
News

PNoy sa umano’y breakup kay Liz Uy: 'Di tayo showbiz'


MANILA – Tulad nang maghiwalay sila ni Valenzuela Councilor Shalani Soledad, tahimik din si Pangulong Benigno "Noynoy" Aquino III, tungkol sa napabalitang hindi sila nagkatuluyan ng kanyang stylist na si Liz Uy. Sa maigsing text message ni Aquino sa GMANews.TV nitong Sabado nang tanungin kung ano ang "latest" sa kanila ni Uy, tugon ng pangulo, "Sorry, di tayo showbiz." Nauna nang sinabi ng 50-anyos na si Aquino na nais niyang maging pribado ang mga bagay tungkol sa personal niyang buhay — kasama na ang tungkol sa pag-ibig. Sa hiwalay na text message ng isang malapit na opisyal ni Aquino, sinabi nito na sadyang hindi pala-kuwento ang pangulo tungkol sa mga babae na nauugnay dito kahit pa nagkahiwalay na sila. "Hindi siya kiss and tell na tao. Gentleman siya pagdating sa relasyon, hindi palakuwento," anang opisyal na tumangging pabanggit ang pangalan dahil hindi siya awtorisado na magsalita para sa pangulo. Una rito, sinabi ni deputy presidential spokeswoman Abigail Valte na mas makabubuting si Aquino na lamang ang tanungin tungkol sa kalagayan ng relasyon nito kay Uy. Kamakailan ay inamin ni Aquino na lumalabas sila ni Uy matapos kumakalat ang mga balita na hiwalay na sila ni Soledad, na mahigit isang taon din niyang naging kasintahan. (Basahin: President Aquino admits dating stylist Liz Uy) Kapwa naging tahimik sina Aquino at Soledad tungkol sa kung ano ang naging dahilan para sila maghiwalay. (Basahin: PNoy and Shalani keep mum about their rumored breakup) Ayon naman kay Valte, wala siyang alam sa napabalitang hiwalayan nina Aquino at Uy, at wala umano siya sa lugar para magsalita tungkol sa buhay pag-ibig ng pangulo. "Siguro mas mabuti tanungin natin si PNoy. Siya ay very accessible at sumasagot ang ating mahal na pangulo. Hindi kasama tayong tagapagsalita sa love life ninuman," paliwanag ni Valte sa panayam ng dzRB radio. "Hindi tama na tayo ay magkomento," pahabol pa niya. Matapos ang relasyon kay Aquino, si Soledad ay naging co-host ni Willie Revillame sa isang programa sa telebisyon. Si Revillame ay naging tagasuporta ni Sen Manny Villar, na nakalaban ni Aquino sa nakaraang May 2010 presidential elections. – FRJ, GMANews.TV