Filtered By: Topstories
News

Tutol sa kanyang kumpirmasyon sa CA: Kritiko hinarap ni Tourism Sec Lim


MANILA – Hinarap ni Tourism Secretary Alberto Lim ang grupo ng Tourism Congress kung saan ilan sa mga miyembro nito ay naghain ng petisyon sa Commission on Appointments para harangin ang kanyang kumpirmasyon. Sa ulat ni GMANews reporter Mark Salazar sa QTV's Balitanghali nitong Sabado, sinabing naganap ang pagharap ni Lim at mga miyembro ng TC sa general assembly ng grupo nitong Biyernes. Kamakailan lang ay nagpalitan ng batikos sina Lim at presidente ng TC na si Alma Jimenez tungkol sa kampanya para mapaunlad ang turismo ng Pilipinas. Sa ginanap na general assembly ay sinagot ng kalihim ang sama ng loob na inilabas ng mga stakeholder sa turismo ng bansa. Sa kanyang talumpati, sinabi ni Lim na nananatiling siyang bukas para sa pag-uusap sa kabila ng mga inabot na kritisismo mula sa grupo. Kabilang sa mga tinututulan ng grupo ay ang isinusulong na open-skies policy ni Lim, o pagpayag na makapasok sa bansa ang mga dayuhang airlines.
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV Ngunit nais ng grupo na maglagay muna ng mas maraming paliparan ang pamahalaan bago mag-imbita ng mga dayuhang airlines. Ang posisyon ng Tourism Congress ay sinuportahan ni dating tourism secretary at dating senador Richard Gordon na dumalo rin sa naturang general assembly. “Hindi maganda sa isang bansa na mahina ang sariling airline," ayon kay Gordon. Pero tanong ni Lim sa kanyang talumpati: “We have to make a choice, is it private interest or national interest? Interest of few individual or interest of many who could benefit from tourism." Nagpahayag din ng pagtutol si Gordon sa nabulilyasong kampanya ng DOT na “Pilipinas Kay Ganda," na ipapalit sana sa pinakulo niyang “Wow Philippines," nang siya pa ang pinuno ng DOT. “Kung Pilipinas lang by itself ang natatandaan lang yung pulitika, yung ekonomya, ‘Pag sinabi mong ‘Wow Philippines!’, ang natatandaan kagaad tourism ‘yan, saan tayo,?" paliwanag niya. Inilabas din ng CT ang hinanakit kay Lim sa pagsibak umano nito sa inirekomenda nilang limang kasamahan na maitalaga muli sa Tourism Promotion’s Board. Ngunit paliwanag ni Lim, ang mga opisyal na binanggit ay saklaw ng tinatawag na midnight appointees ng nakaraang administrasyon. Makaraang makapaglabas ng saloobin, kinilala pa rin ng grupo ang pamumuno ni Lim sa turismo na kailangan nilang suportahan para sa kapakanan ng kanilang industriya. “Hindi naman masasabi na kaagad maaalis ang deperensiya. Sa Tourism Congress lagi naman bukas sa pakikipagtulungan sa leadership sa DOT," ayon kay Jimenez. - Fidel R. Jimenez, GMANews.TV