Filtered By: Topstories
News

Pagbuo sa Truth Commission dapat raw ipaubaya na sa Kongreso


MANILA – Iminungkahi ng dalawang senador na ipaubaya na lamang ng Malacañang sa Kongreso ang pagbuo ng Truth Commission matapos ibasura ng Korte Suprema ang kautusan ni Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III na bubuo sana sa naturang lupon. Ayon kina Senate President Juan Ponce Enrile at Sen Joker Arroyo, ang pasya ng SC na ideklarang labag sa Saligang Batas ang kauna-unahang kautusan ni Aquino ay dapat maging mensahe sa Palasyo na mas makabubuting ipaubaya na sa Kongreso ang usapin sa paglikha ng truth com. "Creating an investigative body with such vast power ought to be done by Congress so that you can canalize the power of the body and not become a fishing expedition so to speak," pahayag ni Enrile sa media nitong Martes. Nais sana ni Aquino na ang truth commission na pangungunahan ni dating SC chief justice Hilario Davide ang mag-iimbestiga sa mga umano’y katiwalian na naganap sa administrasyon ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, na kongresista na ngayon ng Pampanga. Sinabi ni Enrile na hindi na siya nasupresa sa naging desisyon ng SC laban sa kautusan ni Aquino na lilikha sa komisyon. Gayunman, hindi umano kawalan sa pamahalaan ang pagkakabasura sa truth com sa hangarin na siyasatin ang mga katiwalian dahil ang trabaho ng komisyon maaaring gawin ng Office of the Ombudsman at Department of Justice. Inihayag naman ni Sen Arroyo na dapat matuto ang pamahalaang Aquino na gamitin ang mga existing government institutions sa paghabol sa katiwalian. "They should learn to trust someone," payo ng senador na dating nagbabala na malabong maaprubahan ang itatatag na komisyon ni Aquino. Sa botong 10-5 ng mga mahistrado ng SC nitong Martes, idineklara na labag sa Saligang Batas ang Executive Order (EO) No. 1 ni Aquino dahil salungat ito sa itinatakda na “equal protection clause" ng Saligang Batas bunga ng pagpuntirya sa administrasyon ni Arroyo. Dismayado Nagpahayag naman ng pagkadismaya ang mga kaalyado ni Aquino na sina Sens Franklin Drilon at Francis Pangilinan sa naging desisyon ng SC. Binigyan ng SC ang Malacanang ng 15-araw upang sagutin ang naging pasya nito sa EO No.1. "We are saddened by the SC ruling... It is certainly a setback in the Aquino government’s campaign against graft and corruption," nakasaad sa pahayag ni Drilon. Idinagdag naman ni Pangilinan na tanging si Arroyo ang makikinabang sa naging desisyon ng mga mahistrado. “With all due respect, the Supreme Court should be a partner and not a stumbling block in the Aquino administration’s anti-corruption efforts," ayon kay Pangilinan. Iginiit pa ni Drilon na hindi umano dapat maging hadlang ang desisyon ng SC upang tumigil ang administrasyong Aquino sa paggamit ng mga legal na hakbang para papanagutin ang mga opisyal na nasangkot sa katiwalian. "These legal obstacles will not succeed in impeding the Aquino administration from fulfilling its commitment to provide closure to these corruption charges and bring the perpetrators to the bar of justice," he said. - GMANews.TV