Filtered By: Pinoyabroad
Pinoy Abroad

Sana ngayong Pasko ay malampasan ko pa rin ang kalungkutan


Magandang araw sa mga katulad kong OFW na nangibang-bayan para mabigyan ng magandang buhay ang kanilang mga pamilya. Magandang araw din at salamat sa mga bumubuo ng Pinoy Abroad-Kwentong Kapuso dahil sa programang ito ay nakapaglalabas kami ng aming nararamdaman. Marahil marami na sa ating mga kababayan diyan sa Pinas ang abala na sa Kapaskuhan. Alam naman natin na tayong mga Pinoy daw ang pinakamahabang mag-celebrate ng Christmas.


Alam kong nalulungkot din ang asawa ko na hindi niya ako kasama sa Pasko. Baka katulad ko rin siya na nagpapakitang masaya sa harap pero deep inside ay katulad ko rin na nangungulila. Hindi yata madali na walang kayakap kapag malamig ang panahon ngayong Pasko. Sana magpakatatag ka mahal ko sa pagsabok na kinakaharap natin.
– Boy
Kapag nakaka-chat ko ang aking asawa at nabanggit niya ang mga plano nila sa Pasko, parang sumisikip ang dibdib ko dahil sa panghihinayang at kalungkutan na hindi na naman nila ako makakasama – sa ikalawang pagkakataon. Magdadalawang taon pa lang ako sa aking pinagtatrabahuhan dito sa Canada at ito na rin ang ikalawang taon na hindi ko makakapiling ang aking maybahay at munting anghel. Nakakahiya mang aminin, umiiyak pa rin ako nang palihim dahil sa kalungkutan. Hindi ko alam kung ilan sa aming mga OFW na lalaki ang tumatagilid sa higaan para hindi makita ng aking mga kasamahan ang pagpatak ng aking luha. Kailangan kong ilabas ang nararamdaman ko kasi kung hindi ko gagawin ay baka mamatay ako dito sa sakit. Kapag kausap ko ang aking asawa, hindi niya mahahalata ang nadadama kong lungkot. Nakabuti rin yata ang pagkahilig ko sa mga drama sa GMA dahil nagagawa kong umakting na masaya kahit sa loob ay lungkot-na-lungkot ako. Plano raw ng asawa ko bumisita sa mga kamag-anak namin sa Bulacan sa Pasko kasama ang kanyang mga magulang. Maganda raw na bumiyahe sila para magkaroon din ng pinagkakaabahalan sa Pasko. Noong nandiyan pa kasi ako, namamasyal kami ni misis sa mga park o kaya nanood ng sine sa festival. Kaya lang nang madagdagan na kami dahil sa pagsilang ng aking munting anghel, kailangan gumawa ng hakbang para magkaroon ng sapat na kita para paghandaan ang maganda niyang kinabukasan. Wala naman akong balak na magtagal dito, gusto ko lang makaipon at tapusin ang kontrata ko at uuwi na ako. Pero kapag sinasabi ko ito sa aking mga kababayan at katrabaho, napapangiti sila. Iyon din daw ang sabi nila noon pero hanggang ngayon nandito pa sila. May iba kasi na naka-dalawang beses na sa pagrenew o nakatatlo sa kontrata. Mahirap daw kasing tanggihan ang magandang grasya at mahirap makakita ng magandang trabaho sa Pinas kapag umuuwi sila.

Sana bigyan ng magic ni Santa Claus ang mga OFW na puwedeng sa isang pikit at pagmulat ng mata kasama na natin ang pamilya natin, tapos pikit uli at pagmulat ay balik na tayo sa trabaho.
– Boy
Alam kong nalulungkot din ang asawa ko na hindi niya ako kasama sa Pasko. Baka katulad ko rin siya na nagpapakitang masaya sa harap pero deep inside ay katulad ko rin na nangungulila. Hindi yata madali na walang kayakap kapag malamig ang panahon ngayong Pasko. Sana magpakatatag ka mahal ko sa pagsabok na kinakaharap natin. Sabi ng mga mas matatandang OFW na nakilala ko dito, mas masuwerte raw ang henerasyon namin ngayon dahil may computer at internet na. Sa pamamagitan nito ay nakakaharap namin at nakakausap ang mga mahal namin sa web camera. Samantalang noon daw, sulat-sulat lang at kadalasan tapos na ang Pasko bago nila makuha ang card na padala ng mga asawa o anak nila. Kapag nagtawagan naman sa telepono laging nagmamadali kasi mahal ang overseas call. Wala akong ibang hangad ngayon Pasko kundi sana ay maging masaya ang aking mga mahal sa buhay diyan sa atin sa Pinas. Mahirap ang buhay ngayon kaya kailangang magsikap kahit mapalayo sa kanila. Sana bigyan ng magic ni Santa Claus ang mga OFW na puwedeng sa isang pikit at pagmulat ng mata kasama na natin ang pamilya natin, tapos pikit uli at pagmulat ay balik na tayo sa trabaho. Pasensiya na po, ganito lang yata talaga ang mga taong nalulungkot, kung ano-ano ang iniisip at pinapangarap. Pero salamat pa rin dahil sa pagsusulat ko ay nailabas ko ang aking damdamin at hindi na ko na ito iiiyak pagtulog, magaang na ang aking kalooban. Sa mga kababayan kong hindi nila kapiling ang mga mahal nila sa buhay…Maligayang Pasko sa inyong lahat at sana dumating ang araw na makakapiling niyo rin ang mga pamilya niyo sa mga susunod na Pasko. Sana malampasan niyo rin ang kalungkutan na nadarama ninyo na nagiging doble kapag Pasko. – GMANews.TV Boy ng Canada Kamusta mga Kapuso! Sana’y hindi kayo magsawa sa pagtangkilik sa ating pitak na ito. Habang may mga kababayan tayo sa abroad - pati ang kanilang mga kabiyak, anak, ina, ama o sinuman na kabahagi ng kanilang buhay - na nais magpaabot ng kanilang saloobin mananatili po ang inyong Kwentong Kapuso. Katulad ng dati, hindi kami magsasawa na basahin ang inyong mga kuwento - maigsi man o mahaba. Kahit na ang laman nito ay naglalabas ng sama ng loob, nagbibigay ng inspirasyon, gustong magpayo, magsumbong, magpatawa o kahit nagpapalipas lang ng oras. Kaya hihintayin namin ang inyong mga email na maaari ninyo itong ipadala sa Pinoyabroad@gmanews.tv Sa mga kababayan namin saan mang dako ng mundo, saludo po kami sa inyo. Mabuhay kayo mga masigasig naming Kapuso sa abroad!