Filtered By: Showbiz
Showbiz

Iza Calzado looks forward to doing film with Thai actor Ananda Everingham


Matipid ang Kapuso actress na si Iza Calzado sa pagkuwento tungkol sa international movie na maaring pagsamahan nila ng Thai actor na si Ananda Everingham. Sa Chika Minute ng GMA news 24 Oras nitong Huwebes, sinabing happy si Iza sa itinaktakbo ng kanyang showbiz career. Bukod sa pinagbibidahan niyang primetime soap na Beauty Queen, maaaring gumawa muli siya ng international movie kung saan makakasama niya ang sikat na Thai actor na si Ananda. Isa sa mga pelikulang pinagbidahan ni Ananda ay ang horror film na Shutter na nagkaroon din ng Hollywood remake. Ayon kay Iza, nagkaroon siya ng pagkakataon na makaharap at makausap si Ananda. At umaasa umano ang aktres na makakatrabaho niya ang dayuhang aktor sa hinaharap. Gayunman, wala umano siya sa posisyon para isiwalat ang detalye ng kanilang napag-usapan. “There’s an opportunity for me to meet Ananda and maybe there is a possibility of working with him in the future," aniya. Dumating kamakailan sa Pilipinas si Ananda para dumalo sa 12th Cinemanila International Film Festival. Inihayag ng Thai actor ang paghanga niya sa mga Pinoy sa husay sa paggawa ng pelikula. Noong 2007, ginawa ni Iza ang international movie na Echo na remake ng Pinoy horror film na Sigaw. Nakasama rito ni Iza ang Hollywood actor na si Jesse Bradford na nagbida sa pelikulang Flags of Our Fathers.