Filtered By: Topstories
News

Tanong daw ng tao sa obispo: Arroyo mas may puso sa mga mahirap kaysa kay PNoy?


MANILA – Dahil sa pagtaas sa presyo ng bigas ng National Food Authority (NFA), inihayag ng isang obispo ng Simbahang Katoliko na may mga nagtatanong kung higit na may malasakit sa mahihirap si dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo kaysa kay Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III. Sa panayam ng isang himpilan ng radyo, sinabi ni Basilan Bishop Martin Jumoad, na mabigat para sa mga mahihirap ang P2 bawat kilo na ipinataw sa presyo ng NFA rice. Ipinatupad ni NFA administrator Lito Banayo ang rice price increase nitong Diyembre 7 upang matugunan umano ang pangangailangan sa pagbili ng pamahalaan ng palay sa mga magsasaka. Dahil sa pagtaas ng presyo, ang pinakamurang “commercial" rice na ipinagbibili ng NFA ay nagkakahalaga ng P27 bawat kilo na dating P25/kilo. “There are too many ordinary people who are complaining here in Basilan, mabuti pa noon, sabi very corrupt si GMA (Arroyo) pero bakit nabigyan kaming mga pulubi ng space sa kanyang heart kasi daw she was able to subsidized NFA rice" pahayag ni Jumoad sa panayam ng Radio Veritas nitong Biyernes. Ayon sa Obispo, ipinapaliwanag umano niya sa mga tao na kaya napanatiling mura ang NFA rice noong panahon ni Arroyo dahil sa subsidiya na inilagay ng dating administrasyon. “That’s how I explained them, may subsidy po noon, ngayon wala ng subsidy. So ang tanong nila bakit hindi magawa ni PNoy ‘yon? ‘Yan ang sentimyento ng mga poor people who came to see me. Sabi nila mahirap na ngayon," idinagdag niya. Dahil sa pagtaas sa presyo ng bigas, sinabi ni Jumoad na nahinto na rin ang programang bigasan sa kanyang parokya dahil malulugi ang kooperatibang sumusuporta rito. Bukod sa P2 bawat kilo na ipinatong ng NFA, malaking gastusin din umano ang halaga ng transportasyon kaya halos hindi na malalayo ang presyo ng NFA rice sa commercial rice. “Opo parang ngayon nahinto, expensive on far na when you bring them to the parishes then they have to pay for the transportation parang 32 pesos na. There are rice na commercial rice na P34 o P35 so they prepare the commercial rice na," ikinuwento niya. Bukod sa bigasan, inihayag ni Caritas Manila executive director Father Anton Pascual, na naapektuhan din ng NFA rice price increase ang feeding program ng simbahan. Dahil dito, nanawagan ang Jumoad kay Aquino na makisimpatya sa mga mahihirap kung talagang may tunay itong puso sa mga mahihirap. Bukod sa NFA, posibleng tumaas din ang singil sa transportasyon sa MRT at LRT dahil sa plano ng pamahalaan na alisin o bawasan ang subsidiya ng pamahalaan sa pamasahe upang mabawasan ang gastusin ng gobyerno. - MP, GMANews.TV