Filtered By: Topstories
News

PNoy nais malaman kung ano ang nangyari sa aktibistang si Jonas Burgos


MANILA – Tiniyak ni Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III na patuloy ang ginagawang paghahanap ng pamahalaan kay Jonas Burgos, anak ng namayapang mamamahayag at kinikilalang press freedom fighter na si Jose Burgos. Ang pahayag ay ginawa ni Aquino, isang araw matapos itong magbigay ng direktiba na iurong ang kasong isinampa ng nakaraang administrasyon sa 43 health workers na inakusahan ng militar na mga komunistang rebelde. Sa panayam ng mga mamamahayag sa Tarlac nitong Sabado, sinabi ni Aquino na nais malaman ng kanyang administrasyon kung ano ang nangyari kay Jonas na nakitang dinukot sa Quezon City noong Abril 2007. “Hindi namin inilalagay sa limot, hinahanap namin. Gusto namin malaman ano nangyari sa kanya among others," ayon kay Aquino. Si Jonas, agriculturist at aktibista, ay iniulat na sapilitang isinakay sa isang van sa Ever Gotesco Mall sa Commonwealth Avenue, Quezon City, noong Abril 28, 2007.
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV Sa isinagawang imbestigasyon, lumitaw na ang plaka na ginamit umano sa van ay natukoy sa isang sasakyan na naka-impound sa kampo ng 56th Infantry Battalion ng militar sa Bulacan. (Basahin: Jonas Joseph T. Burgos) Ang direktiba ni Aquino na iurong ang demanda laban sa 43 health workers na binansagang “Morong 43," ay itinaon sa paggunita ng World Human Rights Day nitong Biyernes. Ang “Morong 43" ay dinakip ng militar sa Morong, Rizal noong Pebrero 6 at inakusahang mga miyembro ng rebelde. Kinasuhan sila ng illegal possession of firearms and explosives. Kamakailan ay nagpahayag ang pamahalaang Aquino at pamunuan ng National Democratic Front (NDF) na ipagpatuloy ang usapang pangkapayapaan sa susunod na taon. - GMANews.TV
Tags: jonasburgos