Filtered By: Showbiz
Showbiz

Cesar Montano wants to do films on heroes


Umaasa si Cesar Montano na matutuloy pa rin ang paggawa niya ng movie about the life of former Senator Ninoy Aquino Jr, ang ama ni Pangulong Noynoy Aquino III. Inihayag din ng aktor ang iba pang bayani na nais niyang maisapelikula ang buhay. Sa taped interview kay Cesar sa GMA show na StarTalk TX nitong Sabado, sinabi ng Kapuso star na nakatakda siyang gumawa ng pinaghalong contemporary at period movie next year kasama si Anne Curtis. Ayon kay Cesar, siya ang magdidirek at sumulat ng kuwento ng pelikula na ang title ay Sa Ngayon ng Pag-Ibig. Nais daw ng aktor na punuin ng Kundiman songs ang movie para mabuhay muli ang naturang uri ng musika. “Babalutin ko siya ng mga kundiman song. Kasi naisip ko kailangan nating ibalik yung mga kundiman songs na namamatay na," paliwanag niya. Bukod sa mga awiting kundiman, nais din ni Cesar na pasiglahin ang action movies sa susunod na taon. May plano na umano sila ni Robin Padilla na magsama sa isang pelikula. “Tinanong na namin yung schedule ni Robin, by June libre siya…ako libre pa rin naman ako next June," ayon kay Cesar. Umaasa rin si Cesar na matutuloy pa rin ang paggawa niya ng pelikula tungkol sa buhay ng ama ni Pangulong Noynoy Aquino, ang pinaslang na senador noong 1983 na si dating Sen Ninoy Aquino Jr. Ayon sa aktor, nais niyang gumawa ng mga pelikula tungkol sa buhay ng mga bayani tulad ni Ninoy. “Ako interesado pa rin akong gawin yun (kay Ninoy) kasi yun kailangan talaga nating gayun yun, bayani natin yun e," sambit nito. “Isa yun sa talagang gusto kong gawin, like Andres Bonificaio, ‘yan, Ninoy, Juan Luna, Antonio Luna, mga ganun." Noong 1998, ginawa ni Cesar ang award winning movie tungkol kay Jose Rizal. Ang GMA Films ang nagproduce nito sa direksiyon ni Marilou Diaz-Abaya.
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV Ipinaalam din ni Cesar na may plano sila ni Direk Marilou na gumawa ng pelikula tungkol sa buhay ng magkapatid na bayani. “May balak pa kaming gawin n’yan (ni Direk Marilou), yung ‘Luna Y Luna,’ ‘yan yung title ni Direk Marilou, the Luna brothers," paliwanag niya. First Christmas without son Angelo Sa susunod na taon ay sisimulan ni Cesar ang bagong project niya sa Kapuso na Andres de Saya. Masaya rin ang aktor dahil nakapagbigay sila ng saya sa mahihirap na pamilya na sinuportahan nila sa reality game show na Puso ng Pasko. “Tuwang-tuwa ako…nakakatuwa dahil ang dami naming natutulungan," pahayag niya. Aminado naman ang aktor na may halong lungkot para sa kanya ang darating na Pasko dahil ito ang unang Pasko na hindi na nila makakasama ang pumanaw na anak na si Angelo. Sinabi ni Cesar na plano niyang ipasyal ang kanyang pamilya sa Baguio sa Pasko. “Magsama-sama lang siguro baka ipasyal ko lang ng mga anak ko siguro sa Baguio ganun, at saka magpinta pa nang magpinta," ayon kay Cesar na hanggang ngayon ay hindi pa rin umano makapaniwala na wala na ang anak na si Angelo. “Marami akong gustong gawin na kasama siya, marami akong gustong puntahan na kasama siya pero hindi ko na magagawa wala na siya. Hindi ako makapaniwala hanggang ngayon, hindi ako makapaniwala na wala na siya," dagdag ni Cesar. - FRJImenez, GMANews.TV

Tags: cesarmontano