Filtered By: Topstories
News

Sen Revilla nadismaya sa pagbasura sa kaso laban kay Hayden Kho Jr.


MANILA – Nadismaya si Senador Ramon Bong Revilla Jr. sa naging desisyon ng mababang korte na ibasura ang kasong isinampa ng aktres na si Katrina Halili laban sa kanyang dating nobyo na si Hayden Kho Jr. kaugnay sa kumalat nilang sex video. Sa panayam ng media nitong Martes, sinabi ni Revilla na ikinagulat niya ang naging desisyon ni Judge Rodolfo Bonifacio ng Pasig Regional Trial Court Branch 159. Batay sa 10-pahinang desisyon ni Bonificio, sinabi nito na nabigo ang kampo ni Halili na patunayan na hindi niya batid na kinukunan ni Kho ang kanilang pagtatalik. “It is clear that evidence is insufficient to prove that the sex video was taken without the private complainant’s knowledge. On this score alone, it will already be very hard to hold the accused criminally responsible for his act of taking the sex video," nakasaad sa desisyon ng korte.
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV Una rito, kinasuhan ni Halili si Kho noong nakaraang taon ng paglabag sa Republic Act (RA) 9262, o the Anti-Violence Against Women and Children Act, dahil sa alegasyon ng hindi niya batid ang pag-video sa kanilang pagtatalik at pagpapakalat nito sa Internet. Sa pamamagitan ng talumpati ni Revilla na nagkondena sa naturang sex video scandal, nagsagawa ng imbestigasyon ang Senado “in aid of legislation." Sa isang pagdinig, naganap ang pagbuhos ng dating Makati police na si Abner Afuang sa ulo ni Kho. "Nalulungkot ako dahil malaki ang tiwala ko na magkakaroon ng hustisya," ayon kay Revilla, nagpahayag na kabaligtaran ang desisyon ng korte sa resulta ng isinagawang imbestigasyon noon ng Senado sa naturang iskandalo. "Kaya naging kagulat-gulat ang naging desisyon ng korte, na naging taliwas sa malinaw na kongklusyon sa imbestigasyon sa Senado at sa pananaw ng publiko," idinagdag ng senador. Sinabi pa ni Revilla na habambuhay na dadalhin ni Katrina at ng iba ng pa umanong “biktima" ang stigma ng iskandalo hanggang sa magkaanak at magkaapo ang mga ito. Dahil sa naging desisyon ng korte, nagpahayag din ng pangamba si Revilla na baka magbigay ito ng lakas ng loob sa ibang nais "magkolekta" ng sarili nilang “sex video," gamit ang katulad na depensa ng kampo ni Kho sakaling mayroon ding magrereklamo. – GMANews.TV