Filtered By: Topstories
News

RH at FOI bills isusumite sa LEDAC


MANILA – Inihayag ni Speaker Feliciano Belmonte Jr. na irerekomenda niya kay Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III ang kontrobersiyal na Reproductive Health (RH) at Freedom of Information bills na isama sa mga panukalang batas na dapat maging prayoridad sa 2011. Sa pulong balitaan nitong Martes, sinabi ni Belmonte na sinusuri na nila ang mahigit 3,000 panukalang batas na bibigyan prayoridad bilang paghahanda sa gagawing pagpupulong ng mga mambabatas at mga opisyal sa Malacanang na tinatawag na Legislative Executive Development Advisory Council (LEDAC). Ayon sa lider ng Kamara de Representantes, kasama sa isusumite nilang listahan sa LEDAC bilang priority bills ang RH at FOI bills na hindi nagawang maipasa ngayong taon. Ang RH bill ay tungkol sa pagpaplano ng pamilya na tinututulan ng Simbahang Katoloko. May kaugnayan naman sa karapatan ng publiko na makakuha ng impormasyon tungkol sa mga kontratang pinapasok ng pamahalaan ang FOI bill. Gayunman, hindi pa matiyak ni Belmonte kung susuportahan ni Aquino ang dalawang nabanggit na panukala. Nauna nang nagsabi ang pangulo na dapat bigyan ng kalayaan ang mga Pilipino sa paraan ng pagpaplano ng pamilya. “To tell you frankly, gusto ko pang makita kung ano ang priorities niya (Aquino)," tugon ng kongresista nang tanungin kung hihingin niya ang suporta ni Aquino sa RH at FOI bills. Sinabi naman niya na kinukonsulta siya ni Aquino tungkol sa mga panukalang batas na nakabinbin sa Kamara. Tiniyak din umano ni Aquino na nagpapatawag ito ng LEDAC meeting nang minsang makausap ni Belmonte. “Two weeks ago, I have the opportunity to ask him about the convening of the Ledac and he told me that he will do that. He is asking the departments to come up with priorities. We are also doing it, we have (more than) 3,000 bills pending and we are trying to list down. Siyempre kung 3,000, we can immediately remove 2,000," kuwento ni Belmonte. Idinagdag ng lider ng Kamara na ilan sa mga panukalang batas na naipasa nila sa ikatlong at huling pagbasa ngayong taon ay hindi masyadong mahalaga. Inaasahan naman na maipapasa ng Kongreso sa linggong ito ang mahalagang General Appropriation bill na naglalaman ng P1.645-trilyong panukalang budget na hinihingi ng pamahalaan sa 2011. - GMANews.TV