Filtered By: Topstories
News

Bagong disenyo ng pera: Cory, Ninoy magkasama sa P500; Imahe ni Arroyo sa P200 pinaliit


MANILA – Pinasinayaan nitong Huwebes ni Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III, ang bagong disenyo ng pera ng Pilipinas. Kabilang dito ang bagong itsura ng P500 bill kung saan makikita ang masayang larawan ng mga magulang ng pangulo. Kasama ni Aquino sa pagpapasinaya ng mga bagong disenyo ng Philippine denomination (peso) sa Malacanang ang mga opisyal ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP). Binago rin ang disenyo ng P20, P50, P100, P200, P500, at P1,000. "It does make me happy, as a son and as a Filipino, to have my parents in the same bank note. It is a testament to what they sacrificed for our people, and a testament to their love for our country," pahayag ni Aquino. Makikita rin sa bagong disenyo ng mga perang papel ang lagda ni Aquino. Una rito, ipinaliwanag ng BSP na kailangang baguhin ang disenyo ng pera upang mapahusay ang mga security features nito at madaling mabisto ng publiko ang huwad na pera.
Ang bagong itsura ng P500 bill. Jam Sisante
Kung dating mag-isa lang si dating Sen Benigno “Ninoy" Aquino Jr., sa P500 bill, kasama na niya ngayon ang kabiyak na si dating pangulong Cory Aquino. Nanatili naman sa P200 bill si dating pangulong Diosdado Macapagal, ama ni dating pangulong Gloria Macapagal-Arroyo. "It also serves as a constant reminder for me that my parents were more fortunate than I in finding that person that made them whole and allowed them to achieve the heights that they did," pahayag ni PNoy.
Ang bagong itsura ng harapan ng P200. Jam SisanteJam Sisante
Kapansin-pansin na ang dating imahe ni dating pangulong Gloria Arroyo habang nanunumpa sa kapangyarihan matapos ang EDSA II revolt sa P200 bill ay inilipat sa likurang bahagi ng pera at pinaliit din.
Ang likurang bahagi ng P200 bill kung saan makikita ang pinaliit na imahe ng panunumpa ni Gng Arroyo.
Ayon kay BSP Governor Amando Tetangco Jr., tumagal ng tatlong taon ang pag-conceptualize at pag-imprenta ng bagong disenyo ng pera. Batay sa website ng BSP, kabilang sa mga security features sa pera ang security threads, fibers, watermarks, invisible fluorescent inks, optically variable ink, microprint, at mas maraming pattern at iridescent band. Ang iba pang imahe na makikita sa bagong disenyo ay: P20 bill Obverse: Manuel L. Quezon Reverse: Banaue Rice Terraces at palm civet mula Cordilleras P50 bill Obverse: Sergio Osmeña Reverse: Taal Lake at Giant Trevally (mas kilala na Maliputo) P100 bill Obverse: Manuel A. Roxas Reverse: Mayon Volcano at "butanding" o whale shark P200 bill Obverse: Diosdado Macapagal Reverse: Chocolate Hills at Philippine tarsier P500 bill Obverse: Corazon Aquino at Benigno "Ninoy" Aquino Jr. Reverse: Puerto Princesa Subterranean River National Park at blue-naped parrot P1,000 bill Obverse: Josefa Llanes Escoda, Vicente P. Lim, at Jose Abad Santos Reverse: Tubbataha Reef Marine Park at South Sea Pearl - GMANews.TV