Filtered by: Topstories
News
Condom war: Lagman sinita si Sotto sa pinakaltas na pondo sa DOH
MANILA – Pinasaringan ni House Minority leader Edcel Lagman si Senador Tito Sotto kaugnay sa pagkuwentiyon ng huli sa umano’y P880 milyon na pondong inilaan sa Department of Health (DOH) na pambili ng mga contraceptives katulad ng condom sa 2011. Sa isang pahayag nitong Sabado, iginiit ni Lagman na hindi kasama sa National Expenditure Program (NEP) na isinumite ng Malacanang o maging sa ipinasang bersiyon ng 2011 budget ng Kamara ang tinutukoy na P880 milyong pondo na ipinakaltas ni Sotto. Idinagdag ng kongresista na wala siyang nakitang nakasulat sa Bicameral Conference Committee Report, na nagsasaad sa halaga para ipambili ng DOH ng mga condom at pills na inalis sa inaprubahang P1.645 trilyon pondo gobyerno sa 2011. Batay umano sa sulat na ipinadala ni DOH Sec Enrique Ona kay Sen Franklin Drilon, chairman ng Senate Finance Committee, ipinaliwanag ng kalihim na ang nabanggit na pondo ay magsisilbi lang na “alternative budgetary allocation." Ang naturang “alternatibong alokasyon" ay para matugunan ang “unmet need for family planning," batay sa isinagawang pag-aaral ng National Demographic and Health Survey noong 2008 na hindi umano napondohan. Layunin ng ginawang pag-aaral na malimitahan ang agwat sa pagsilang ng mga ina, ayon kay Lagman. “To be exact, Sotto is exorcising from the budget of the DOH a phantom fund. If he can only tone down his self-righteousness he would realize that the supposed budget for condoms and other contraceptives in the amount of P880-M does not exist," giit ng lider ng minorya sa Kamara. Nitong Biyernes, sinabi ni Sotto na tuluyang binura sa 2011 budget ng DOH ang P880 milyon na pambili umano ng mga contraceptives. Naunang ibinaba ang naturang alokasyon sa P8 milyon hanggang sa tuluyan na itong alisin. Naniniwala ang senador na ang pondo ay bahagi ng estratihiya ng mga sumusuporta sa kontrobersiyal na reproductive health bill (RH Bill) na hindi pa rin nakakapasa sa Kongreso. (Basahin:Sotto opposes gov't's P880-M fund for contraceptives) Isinusulong sa RH bill ang responsableng pagpapamilya, at pagpabor na gumamit ng mga artipisyal na paraan ng family planning katulad ng condom at contraceptive pills. Ngunit paliwanag ni Lagman, isa sa may akda ng RH bill, ang kontrobersiyal na panukalang batas na tinututulan ng Simbahang Katoliko ay hindi lang nakatuon sa pagbili at pamamahagi ng mga condom at pills. “Reproductive health covers a wide range of priority concerns including breastfeeding; maternal and infant health; treatment and prevention of infertility and sexual dysfunction, HIV-AIDS and breast and reproductive tract cancers; youth sexuality education; and voluntary family planning, including the use of both natural and modern family planning methods, among others," aniya. “A ‘condomized’ mentality may be good for orthodoxy but is precarious for the reproductive health of our citizens," idinagdag ni Lagman. - GMANews.TV
Find out your candidates' profile
Find the latest news
Find out individual candidate platforms
Choose your candidates and print out your selection.
Voter Demographics
More Videos
Most Popular