Filtered By: Topstories
News

Katiwalian sa pamahalaan dapat asikasuhin ni PNoy, ayon sa obispo


MANILA - Sa kabila ng mataas na ratings na nakuha ni Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III sa mga pinakahuling survey, naniniwala ang isang Obispo na marami rin ang dismayado sa pamahalaan dahil hindi pa rin natutugunan ang problema ng katiwalian sa bansa. Tinawag ni Cotabato Auxiliary Bishop Jose Colin Bagaforo sa isang panayam sa radyo na, “hanggang salita lamang at walang ngipin," ang naging campaign slogan ni Aquino noong kampanya na, “kung walang kurap, walang mahirap." “I believe pababa nang pababa ang trend ng approval ratings ng ating president," pahayag ng obispo sa panayam ng Radio Veritas nitong Miyerkules. “More than six months na, after the honeymoon period supposed to be, ‘yong kanyang slogan to fight corruption at saka ‘yong kung ‘walang kurap, walang mahirap,’ seemingly ay hindi natutupad at hanggang salita lamang at walang ngipin," pagtutuloy niya. Sa huling survey ng Social Weather Station na ginawa noong Nov 27-30, lumitaw na nakakuha si Aquino ng net satisfaction score ng +64 (74% satisfied at 10% not satisfied). Samantala, 79% naman ang satisfaction rating na nakuha ng pangulo sa pinakahuling survey ng Pulse Asia na ginawa noong October 20 – 29. Kasabay nito, inayunan ni Bagaforo ang pangamba ni Muntinlupa Rep. Rodolfo Biazon na posibleng magkaroon muli ng pag-aaklas laban sa pamahalaan kung hindi masasawata ang katiwalian. Ginawa ni Biazon ang babala bilang reaksiyon sa kinalabasan ng kaso ni dating AFP Comptroller ex-Gen Carlos Garcia, na nakalaya sa kabila ng kinakaharap na kasong plunder sa Sandiganbayan. “ Well, ‘yan din ang nakikita ko. I agree, it can be one of the scenario. But I don’t want it to happen but that’s a possible scenario. You know, It can create dissatisfaction and at the same time, others might take the law into their hands," paliwanag ng obispo. Naniniwala rin ang Obispo na magbibigay ng maling mensahe ang ginawang pagsuporta ni Aquino na palayain si Sen Antonio Trillanes na nakulong dahil sa ginawang pag-aaklas noon sa gobyerno ni dating pangulong Gloria Macapagal-Arroyo. - GMANews.TV