Filtered By: Showbiz
Showbiz

PEP’s Year-End Report: Showbiz Triumphs in 2010


Pangkaraniwang sinasabi na dalawa ang mukha ng entablado: Malungkot at masaya. Ngayong taon ay nasaksihan at nabalitaan natin ang mga nakalulungkot at nakagugulat na balita—mula sa pagpanaw ng ilang haligi ng industriya hanggang sa kaliwa't kanan na demandahan at alitan ng iba't ibang personalidad. Subalit hindi naman puro dilim at gulo ang 2010 para sa showbiz, dahil marami pa ring magagandang naganap na nakapagpangiti sa atin. Kapansin-pansin na maraming personalidad ngayong taon ang lumikha ng ingay maging sa ibang bansa, katulad na lang ng mga aktor at direktor na walang pagod na inilalaban ang kanilang mga pelikula sa mga international film festivals. Ang iba naman—katulad nila Manny Pacquiao at Charice Pempengco—ay lalo pang nakilala ang husay sa buong mundo. At ngayong magsasara na ang taon, binalikan ng PEP (Philippine Entertainment Portal) at inilista ang ilang pangalang umani ng papuri sa publiko at kritiko dahil sa kanilang ipinamalas na tunay namang kahanga-hanga. CHARICE PEMPENGCO Tila wala na ngang makakapigil pa sa patuloy na pag-alagwa ng international career ng young singer na si Charice. Maganda na agad ang bungad ng taong 2010 kay Charice matapos siyang mag-perform sa Io Canto—isang tanyag na singing competition show sa Italy—noong January 23, 2010. Inilunsad naman nung May 11, 2011 ang self-titled debut international album ni Charice, at agad itong pumasok sa Billboard 200 Album Chart, which made the Filipino singing sensation the first Asian recording artist to enter Billboard's Top 10. Sumikat din ang unang single ni Charice mula sa album na pinamagatang "Pyramid," na kung saan nakasama niya ang American R&B at hip hop artist na si Iyaz. Lumibot din si Charice sa iba't-ibang bansa, kabilang ang Thailand, Japan, South Korea, at Amerika, para mag-perform at i-promote ang kanyang album. Pero ang masasabi sigurong most memorable moment ni Charice ngayong taong ito ay nang mapanood siya sa Glee noong September 21, ang premiere episode ng second season ng widely popular musical comedy-drama US series, kunsaan ginampanan niya ang karakter bilang si Sunshine Corazon. MANNY PACQUIAO Matagumpay na napasok ng Filipino world boxing champion na si Manny ang mundo ng pulitika ngayong 2010, matapos siyang mahalal bilang Sarangani congressman noong May elections. Dalawang panalo sa boxing rin ang nakamit ni Pacquiao ngayong taong kasalukuyan. Una niyang tinalo ang American boxer na si Joshua Clottey noong March 13, 2010 sa bakbakang ginanap sa magarbong Cowboys Stadium sa Dallas, Texas, USA. Sunod naman niyang pinasuko noong November 13, 2010 ang mas matangkad na si Antonio Margarito. Dahil sa panalo ni Pacquiao ay nakamit niya ang kanyang 8th world title in as many weight divisions—isang pambihirang karangalang tanging siya lamang ang nakakamit. Inihayag naman ng promoter na si Bob Arum na ang makakaharap ng Pinoy boxing legend sa May 7, 2011 ay ang former world champion na si Shane Mosley. Pero marami pa rin ang umaasam na matuloy ang inaabangang laban ni Manny sa undefeated American boxer Floyd Mayweather, Jr. MARIA VENUS RAJ Hindi madali ang daang tinahak ng 22-year-old beauty queen na si Venus Raj patungong Las Vegas, USA, para lumaban sa 2010 Miss Universe pageant. March 6 ng taong ito nang koronahan si Venus bilang Binibining Pilipinas-Universe. Dahil dito ay nakamit din niya ang karangalan na i-represent ang sariling bansa sa glamoroso at taunang Miss Universe competition. Subalit ilang araw matapos manalo ito ay lumabas ang balitang tinanggalan si Venus ng korona sa utos na din ng Binibining Pilipinas Charities, Inc (BPCI). Meron diumanong inconsistencies sa kanyang birth certificate at sa mga detalyeng personal na ibinigay niya sa interview ng BPCI representatives. Naayos naman ang gusot at nung April 10, 2010 ay ibinalik kay Venus ang korona. May 19, 2010 naman nang pagkalooban si Venus ng Philippine passport galing sa tanggapan ng Department of Foreign Affairs, na nangangahulugang kinikilala ng estado ang pagiging isang Pilipino ng batang beauty queen at may karapatan itong magsilbing kinatawan ng bansa sa international pageant. Isa sa Venus sa mga sinasabing pre-pageant favorites, at nangibabaw naman ang obserbasyon na ito dahil umabot siya hanggang sa dulo ng kompetisyon, eventually finishing as fourth-runner up to Mexico's Ximena Navarrete, who bagged the Miss Universe crown. Bagama't hindi naiuwi ni Venus ang korona ay marami pa rin ang humanga sa kanya, partikular na ang kanyang mga kababayang Pilipino. BRILLANTE MENDOZA Tinanghal na Best Film ng mga hurado ng 8th Asian Film Festival ang pelikulang Lola na likha ng Filipino director na si Brillante Mendoza. Ginanap ang nasabing film festival noong July 10 to 17 sa Rome. Ayon sa mga tumayong hurado ng Rome Film Festival, kinilala nila ang gawa ni Mendoza dahil sa taglay nitong, "extraordinary narrative grace which has conjugate an almost documentary glance about the dignity of the poorer classes' life, to a subtle ability to create characters made of a huge humanity." Apat na buwan matapos ang karangalan sa Rome ay nasungkit naman ni Mendoza ang Visionary Award mula sa 37th Brussels International Film Festival na ginanap sa bansang Belgium. MERYLL SORIANO "Thank you very much to the jury and to the organization of Brussels International Film Festival. I'm so proud to be part of this and I'm very honored and I would like to congratulate all the films included in this festival," naluluhang sambit ni Meryll Soriano matapos niyang mapanalunan ang Best Actress trophy sa 37th Brussels International Film Festival held last November. Nanalo si Meryll base na rin sa kanyang epektibong pagganap sa Donor—isang pelikulang tumatalakay sa kalakaran ng organ trafficking, na karaniwang talamak sa mga third-world countries katulad ng Pilipinas. Napanalunan din ng Donor ang Best Film award, na labis siyempreng ikinatuwa ng direktor nito na si Mark Meily.
ANITA LINDA Matagumpay na magtatapos ang taong 2010 para sa veteran actress na si Anita Linda matapos siyang tanghalin bilang Best Actress sa 54th Asia-Pacific Film Festival. Nanalo ang 86-year-old Filipino actress dahil sa husay niya sa pelikulang Lola, na gawa ng award-winning director na si Brillante Mendoza. Idinaos ang patimpalak noong December 4, 2010 sa Sun Yat-sen Memorial Hall sa Taipei. Ayon sa ulat, 56 total films ang lumahok sa film festival kabilang na ang mga bansang India, Malaysia, Iran, Japan, at Pilipinas. Ang Lola ay isang pelikulang sumisilip sa buhay ng dalawang matandang babae na handang mag-sakripisyo para sa kapakanan ng kanilang mga apo sa gitna ng matinding kahirapan. PILITA CORRALES Isa na siguro si Pilita sa Filipino singers at artists na bagama't malaki ang naitulong sa industriya ng musikang Pilipino ay patuloy pa ring napagkakaitan ng pagkilala mula sa mga lokal na institusyon at award-giving bodies. Kung sisilipin ang discography ni Pilita bilang isang recording artist at performer ay makikita ang bilang ng mga awitin at proyekto na kanyang ginawa sa loob at labas ng bansa. Marami rin sa kasalukuyan ang hindi nakakaalam na si Pilita ang isa sa mga nagsilbing front-act sa Beatles during the band's controversy-plagued Manila visit noong 1966. Nakasama na rin ni Pilita sa entablado ang mga foreign acts, katulad nila Sammy Davis Jr., Bob Hope, Pat Boone, Frank Sinatra, at Julie Andrews. Noong October 10, sa Henry Lee Irwin Theater sa Ateneo, Quezon City, ay ipinagkaloob ng Philippine Movie Press Club (PMPC) ang Lifetime Achievement Award kay Pilita bilang pagkilala sa kanyang kontribusyon sa musikang Pilipino. Espesyal ang award para kay Pilita dahil despite being an accomplished singer ay bihira daw siyang makatanggap ng award na may kaugnayan sa musika. "In the past, I have been receiving awards for the other things I do or other lifetime achievement awards, but this is the first time I am receiving an award for music. So I am greatly honored," sabi ni Pilita sa kanyang acceptance speech. "Music is my life. My life is singing and learning songs. This is an important award that I will forever cherish." DAWN ZULUETA Marami ang nagulat nang lumabas ang balitang ang aktres na si Dawn ang magsisilbing bida sa musical stage play na pinamagatang A Little Night Music. Pagdating sa larangan ng pag-arte ay walang kumukuwestiyon sa kakayahan ni Dawn. Pero bilang singer para sa isang musical play? Marami ang na-curious at nag-abang kung paano dadalhin ni Dawn ang papel ni Desiree Armfeldt, na ginampanan din ng Hollywood actress na si Catherine Zeta Jones sa Broadway run ng nasabing palabas. Pinatunayan naman ni Dawn—na dati na ring napanood sa isang musical play na pinamagatang Larawan—ang kanyang galing sa stage dahil umani siya ng papuri sa mga taong nakapanood ng A Little Night Music nung itanghal ito sa Carlos P. Romulo Auditorium ng RCBC Plaza sa Makati, noong October 15-31, 2010. Pagkatapos maipalabas dito sa Pilipinas ay lumipad naman palabas ng bansa si Dawn at ang buong team ng musical play para magtanghal sa Esplanade Theater sa Singapore noong November 9 to 14. LEA SALONGA Pinatunayan ni Lea na wala pa rin siyang kupas sa larangan ng world-class musical plays matapos niyang pabilibin ang mga manunood sa kanyang pagganap bilang Grizabella, na siyang pangunahing tauhan sa longest-running Broadway musical na Cats. Dumayo dito sa Pilipinas ang sikat na produksiyon na may hawak sa Cats para magtanghal sa CCP Tanghalang Nicanor Abelardo sa Maynila. Ipinamalas din ni Lea ang kanyang pagiging professional dahil, bagama't may iniinda matapos matapilok at ma-sprain sa entablado noong dress rehearsal isang araw bago ang press preview ng musical play, itinuloy pa rin ng dating Miss Saigon lead star ang kanyang performance without excuses. "As long as I can sing, I'll be in the show," nakangiting sabi ni Lea.
TV 5 Malaki at maituturing na significant ang itinalon ng TV5 in terms of ratings ang performance simula ng hawakan ito ng negosyanteng si Manny Pangilinan nung Marso ng taong ito. Layunin ng estasyon na buwagin ang long-standing two-way competition sa pagitan ng giant networks na ABS-CBN at GMA-7. Ilang buwan lang ang lumipas at unti-unti ay naramdaman na ng dalawang estasyon ang presence ng Novaliches-based network. Sumusulpot na din kasi ang ilang programang nito sa daily ratings report, particularly ang Talentadong Pinoy sa pangunguna ni Ryan Agoncillo. Marami na ring mga artista ang tumalon at nagpahayag ng kanilang naising magtrabaho sa TV5. Dulot na rin sa pinapairal nito na non-exclusive contract sa mga talents, which means na puwede pa ring tumanggap ang mga artista nito ng offers galing sa ibang estasyon at kumpanya kahit pa may programa sila sa TV5. Naiulat na rin ang pagpirma ng kontrata ng award-winning actor na si Aga Muhlach sa TV5 para sa darating na taon. AI-AI DELAS ALAS Ngayong taon ay nagdiwang ang komedyanteng si Ai-Ai delas Alas ng kanyang 20th year sa showbiz, at bilang pasasalamat ay nagdaos siya ng comedy concert at isang thanksgiving mass na dinaluhan ng mga malalapit na kaibigan at kamag-anak. Very open si Ai-Ai sa kanyang pagnanais na manalo bilang Best Actress para sa kanyang pagganap sa Ang Tanging Ina Mo (Last Na ‘To)! na kalahok sa 36th Metro Manila Film Festival, na nagbukas sa mga sinehan nationwide noong December 25. Hindi lumutang ang pangalan ni Ai-Ai noong una bilang isang Best Actress contender dahil marami ang humula na si Jennylyn Mercado ang mananalo para sa kanyang naging portrayal sa period film na Rosario. Kaya naman maging si Ai-Ai ay nagulat nang tawagin ang kanyang pangalan bilang Best Actress noong MMFF Gabi ng Parangal ceremony na ginanap noong December 26 sa Meralco Theater. "Thank you sa lahat po ng nagdasal para sa akin... Father Allan, lahat po ng Dominican nuns... Opo, nagdasal sila. Sabi nila dapat Best Actress ako! Thank you! Thank you sa mga bishop at clergy!" masayang pahayag ni Ai-Ai sa kanyang acceptance speech. JOVIT BALDIVINO Hindi nauubusan ng inspiring stories ang mga contests at game shows na karaniwang popular sa Philippine television kahit noon pa. Ngayong taon ay nasaksihan natin si Jovit Baldivino—isang siomai vendor na galing sa probinsiya ng Batangas na nangarap at naglakas loob sumali sa ABS-CBN talent search contest na Pilipinas Got Talent. Nagsilbing winning piece ni Jovit ang rock ballad na "Too Much Love Will Kill You" na originally ay pinasikat ng dating Queen guitarist na si Brian May noong 1992. Matapos magwagi sa tulong ng text at online votes ay agad na pinagkalooban si Jovit ng sarili niyang album at nabiyayaan na din siya ng isang commercial. - Bong Godinez, PEP