Filtered By: Topstories
News

SC muling kinatok para pigilin ang toll hike sa SLEX


MANILA – Hiniling muli sa Supreme Court (SC) ng isang abogado na pigilin ang nakaambang pagtaas ng singil sa toll sa South Luzon Expressway (SLEX). Sa petisyon na inihain sa SC ni Atty. Ernesto Francisco nitong Miyerkules, hiniling niya sa mga mahistrado na magpalabas ng temporary restraining order (TRO) o status quo ante order para hindi maipatupad ang toll increase na aabot ng 250 porsiyento mula sa kasalukuyang singil sa highway. Nitong Oktubre ay pinayagan ng SC na ipatupad ang inaprubahang toll increase ng Toll Regulatory Board (TRB) para sa South Luzon Tollway Corporation (SLTC) mula sa Alabang hanggang Calamba ng SLEX. Ngunit ayaon kay Francisco, nakasaad sa desisyon ng SC na hindi pa pinal ang naturang kautusan ng mga mahistrado at maaari pa itong iapela. "It is clear that the proponents of the toll hike, public respondent TRB and private respondent SLTC, will already be implementing the Honorable Court’s Decision dated 19 October 2010 despite the fact that it is still the subject of pending Motions for Reconsideration," paliwanag ng abogado. Bukod kay Francisco, matindi rin ang pagtutol ni Albay Gov. Jose Salceda sa ipatutupad 250-percent toll rate increase sa SLEX. Noong Agosto, nagpalabas ng TRO ang SC kaugnay sa mga petisyon laban sa planong pagtaas sa singil. Inalis ang nasabing TRO pagsapit nitong Oktober, kasabay ng pagpapalabas ng desisyon ng mga mahistrado sa petisyon. Sa sumunod na buwan (Nobyembre), ibinasura rin ng SC ang petisyon ni Salceda dahil wala umanong naipakitang bagong argumento ang gobernador para harangin ng toll increase. “Considering, however, that Gov. Salceda has not raised, in this recourse, any new issue, which has not been considered and passed upon in the earlier resolved petitions, [the SC] hereby resolves to dismiss his petition," the SC said. – GMANews.TV