Filtered By: Topstories
News

Toll hike sa NLEX sasalubong sa mga motorista sa 1-1-11


Sinimulan ngayong 1-1-11 (Jan.1, 2011) ng Manila North Tollways Corporation (MNTC) ang bagong singil sa North Luzon Expressway (NLEX). Ito ang unang pagtataas ng singil sa toll sa NLEX mula nang pamahalaan ng MNTC ang expressway noong Pebrero 2005. Noong 2007 at 2008 ay nagbaba ng singil sa toll sa expressway ang korporasyon. Ayon sa mga opisyal ng MNTC at Traffic Management Corporation (TMC), mababa lang magiging paggalaw sa NLEX. “Mababa lang yung nadagdag na toll fee, in fact, mas mababa yung bagong toll rate namin ngayon kumpara doon sa opening rate namin six year ago," paliwanag ni Marlene Ochoa, vice president for corporate communications ng MNTC. Simula 12:01 am nitong Sabado, ang Class 1 vehicles ay magbabayad ng P41 para sa open system magmula Balintawak hanggang Bocaue Interchange. Ang naturang halaga ay mas mababa pa rin umano ng P1 kumpara sa naging unang singil nila sa open system nang pamahalaan ng MNTC ang NLEX noong Pebrero 2005. Idinagdag ng MNTC at MTC na mas mababa rin ang singil ngayon sa bawat kilometro paglampas ng Bocaue Interchange na nagkakahalaga lamang ng P2.38, kumpara sa P2.48 noong 2005. Tiniyak ng opisyal na ang makokolektang dagdag singil sa toll ay gagamitin sa pagpapahusay pa sa serbisyo sa 85 kilometrong NLEX. Bukod sa pagpapahusay ng kalsada, plano rin ng korporasyon na maglagay ng mas maraming closed circuit television camera sa kahabaan ng expressway para lalong masubaybayan ang daloy ng trapiko at seguridad na rin sa NLEX. Inaasahan naman na sa kalagitnaan ng Enero ay maipatutupad din ang pagtaas ng singil sa South Expressway (SLEX) matapos ibasura ng Korte Suprema ang mga petisyon na pumipigil sa umano'y 300 porsiyento toll adjustment sa hiway. Nitong Huwebes ay pinayagan naman ng Land Transportation ang Regulatory Board (LTFRB) ang dagdag na P10 ang dating P30 flagdown rate sa taxi.- GMANews.TV