Filtered By: Topstories
News

Payo sa publiko: Magtipid sa text para may pandagdag sa pamasahe sa MRT, LRT


MANILA – Dahil sa napipintong pagtaas sa singil sa pamasahe sa Light and Metro Rail Transit systems, makabubuting magtipid umano ang publiko sa pagpapadala ng text message para may pandagdag sa fare increase. Sinabi ni Undersecretary Dante Velasco ng Department of Transportation and Communication, na makabubuting iwasan ang pagpapadala ng mga hindi mahalagang text messages para makatipid. Ipinaliwanag ng opisyal sa panayam ng dwIZ radio nitong Martes, na maaaring mapunan ang dagdag na singil sa pamasahe mula sa matitipid sa text messages tulad ng pagpapadala ng mga katagang, “I love you,' 'I miss you' o 'Let's see each other." Nagpahiwatig din si Velasco na posibleng umabot sa P8 ang maging dagdag sa singil sa MRT na maaaring bumagsak sa P20 hanggang P22.
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV Patuloy pa umanong pinag-uusapan kung magkano ang idadagdag sa singil sa mga mass transport system. Kasama rin sa pinag-aaralan kung gagawin sa isang bagsakan ang fare increase o paunti-unti. Una rito, sinabi ni DOTC Secretary Jose de Jesus na hindi pa ipatupad sa Enero ang fare increase, pero magaganap ito sa unang bahagi ng 2011. Sa kasalukuyan ay umaabot sa P12 hanggang P15 ang singil sa pamasahe sa MRT (North Aveneu, Quezon City hanggang Taft Avenue Ext, Pasay City); LRT-1 (Roosevelt Avenue, Quezon City hanggang Baclaran, Pasay City), at LRT-2 (Marikina City hanggang Maynila). Sinabi ni Velasco na umaabot sa P48 ang ibinibigay na subsidiya ng pamahalaan sa bawat pasahero sa MRT-3. Kailangan umano ang karagdagang pondo para mapahusay ang pasilidad ng mga mass transport system sa bansa. Idinagdag pa niya na dapat ginawa ng nakaraang administrasyon ang fare increase pero lagi itong ipinagpapaliban. "Hindi hinaharap ito ng past administration, palaging pino-postpone. Ngayon nakiusap tayo, wala tayong sinisisi, nakikiusap na lang tayo sa ating kababayan na magtulungan tayo," aniya. — GMANews.TV

LOADING CONTENT