Filtered By: Pinoyabroad
Pinoy Abroad

Bakit mahirap maging inang OFW?


Marami sa atin ngayon ang nangingibang bansa para buhayin ang pamilya sa Pinas. Sabi nga nila wala daw kasing pag–asa sa atin. Napakamahal ng bilihin bukod pa sa corrupt ang gobyerno na siyang lalong nagpapalubog sa kahirapan sa ating mga Pilipino. Isa rin akong OFW. Isang ina na iniwan ang aking dalawang anak para magtrabaho dito sa bansa ng mga Arabo. Dalawang taon na rin akong nakikipagsalaparan sa bansang ito. Masasabi kong masuwerte pa rin ako kahit ‘di gaanong kalakihan ang sweldo ko kumpara sa iba nating kababayan. Mababait kasi ang amo ko bukod pa sa ‘di naman basta-basta ang opisina na napasukan ko.


Sabi nga nila, kung mahina nga ang loob mo ‘wag ka na lang mag-abroad. Kung hindi mo rin lang kayang mawalay sa pamilya mo, ‘wag mo ka nang magtapang-tapangan dahil hindi mo kakayanin mamuhay sa abroad. Malamang sa hindi, baka umuwi ka lang at masayang ang gagastusin mo.
– Roshane96
Mahirap, isang salita na maaari kong masabi bilang isang manggagawang Pinoy dito sa abroad. Hindi mahirap ang trabaho ko dito, mas madalas magbilang ng oras ang ginagawa ko. Bakit mahirap? Kasi malayo ako sa Pilipinas, malayo sa pamilya ko…nag-iisa ako dito. Sabi nga nila, kung mahina nga ang loob mo ‘wag ka na lang mag-abroad. Kung hindi mo rin lang kayang mawalay sa pamilya mo, ‘wag mo ka nang magtapang-tapangan dahil hindi mo kakayanin mamuhay sa abroad. Malamang sa hindi, baka umuwi ka lang at masayang ang gagastusin mo. Hindi ako matapang, hindi rin ako sanay mag-isa, pero malakas ang loob ko sa lahat ng hamon ng buhay. Hindi biro ang iwan ang dalawang batang nagsisimula pa lang matuto sa buhay. Minsan naiisip ko, “anong kuwentang ina ba ako? Iniwan ang dalawang anak para mag-abroad at matupad ang mga pangarap." Ayaw kong isipin na pansarili ko lang ito dahil hindi naman talaga. Ang totoo, nandito ako para sa ikakabuti nila, para mabuhay at matupad ang pangarap nila. Dalawang taon nang iniwan ko sila, halos ‘di ko na nga sila kilala, ano ang pag-uugali nila, paano ba sila gumalaw bilang isang nilalang.
“Babalik ka pa ba dun? tanong ng anak ko. “Mommy ayaw ko na sana na umalis ka, gusto ko ikaw na yung mag-aalaga sa akin." Ang mga tanong na iyon ay hindi ko alam kung paano ko sasagutin ng hindi ko siya masasaktan. Ngunit ‘di ko alam kung paano ko sisimulan. Masakit para sa akin na magpaalam muli sa pangalawng pagkakataon at iiwan ko muli sila ng ate niya."
Noong nakaraang buwan, nabigyan ako ng pagkakataon makapagbakasyon. Nakauwi rin ako sa wakas makaraan ng dalawang taon na ‘di ko sila nakasama. Ang sarap ng pakiramdam na makita silang muli, mayakap, mahalikan, makasama, makatabi sa pagtulog, maipagluto ng lahat ng gusto nilang kainin. Pero ang masakit dun, maraming bagay na pala akong ‘di alam sa kanila. Katulad ni Bunso, ‘di ko alam na ayaw niya ng hipon. Gusto ko pa naman siya lutuan nung paborito kong butter shrimp. Si Ate naman may sarili ng mundo…nagdadalaga na kasi. Halos ‘di ko na makausap, busy palagi sa kanyang pag-aaral at sa cellphone niya, at sa mga Korean artist na gustong gusto niya. Lumalaki na nga ang dalawang anak ko. Nakakamanghang nabuhay sila na wala ako sa tabi nila. Maipapagmalaki ko rin sila dahil matatalino sila. Maayos ang kanilang pag-aaral, parehas matataas na section ng kanilang paaralan. Nakakawala ng pagod kapag naiisip kong napabuti sila habang wala ako…at least ‘di na kaka-guilty na iniwan ko sila.

Noong nakaraang buwan, nabigyan ako ng pagkakataon makapagbakasyon. Nakauwi rin ako sa wakas makaraan ng dalawang taon na ‘di ko sila nakasama. Ang sarap ng pakiramdam na makita silang muli, mayakap, mahalikan, makasama, makatabi sa pagtulog, maipagluto ng lahat ng gusto nilang kainin...Pero ang masakit dun, maraming bagay na pala akong ‘di alam sa kanila.

Ilang araw na lang ako nun sa Pilipinas nang nagkuwentuhan kami ng bunso kong anak – apat na taon pa lang siya nang iwan ko. Sabi niya sa akin, parang panaginip ang lahat na nasa tabi na niya ako at nasa bahay kasama niya. Halik ng halik siya sa akin, walang sawang yumayakap. Parang binabawi ang dalawang taon na nawala ako sa piling niya. Hindi nga siya halos humihiwalay sa tabi ko. Laging nakabulong ng, “Mommy, I love you". Napakasarap na naramdaman kong muli ang pagiging ina sa mga anak ko, na ‘di ko naramdaman sa loob ng dalawang taon. Ilang gabi kong pinangarap na makasama ko sila ulit. Lalong nadurog ang puso ko nang kinuwentuhan ako ni Bunsoy tungkol sa araw nung umalis ako. Itinago daw niya ang damit na sinuot ko bago ako umalis ng bahay namin. Inaamoy-amoy daw niya yun sa tuwing nami-miss niya ako. Lagi daw niyang niyayakap ang unan na gamit ko. Sa oras na iyon ay hindi ko na napiligan ang lumuha. Sobra akong naawa sa anak ko sa pinagdaan niya habang wala ako. Niyakap ko siya ng mahigpit at humingi ng tawad, “Anak sorry matagal bago umuwi si Mommy". Hindi ko akalain na iiyak din ang anak ko nang sandaling iyon, parang bang eksena sa telenobela, ang drama naming dalawa. “Babalik ka pa ba dun? tanong ng anak ko. “Mommy ayaw ko na sana na umalis ka, gusto ko ikaw na yung mag-aalaga sa akin." Ang mga tanong na iyon ay hindi ko alam kung paano ko sasagutin ng hindi ko siya masasaktan. Ngunit ‘di ko alam kung paano ko sisimulan. Masakit para sa akin na magpaalam muli sa pangalawng pagkakataon at iiwan ko muli sila ng ate niya. “Anak babalik si Mommy dun para magwork, sayang naman. Mag-aaral ka pa ‘di ba at saka si ate. Magch-chat naman tayo lingo-linggo at saka makikita mo naman ako sa cam," paliwanag ko. “Hindi naman kita mayayakap, hindi naman kita maki-kiss," mahina niyang tugon sa akin na dumurog sa puso ko.

MASARAP ba ang nasa abroad? Oo, masarap dahil kumikita ka na ‘di mo kikitain sa Pinas. Pero ‘wag mo nang itanong kung MASAYA ba dahil “ewan" ang isasagot ko sa’yo.

Papaano ko nga ba ipapaliwanag sa munti niyang isip na kailangan kong umalis para mabuhay sila. Ito ang masakit na katotohanan sa isang inang OFW. Ang iwan ang aming mga supling para lang makaahon sa hirap ng buhay sa Pinas. Alam kong masakit ulit sa kanya ang pag-alis ko, pero alam ko na matalino siya at naiintidihan niya kung bakit babalik ako dito. Masakit kung tutuusin, mahirap kung susumahin pero bakit nga ba nandito ako ngayon? Hindi ako nandito para malungkot at para umiyak, at para mahomesick. Nandito ako para magtrabaho. Dalawang taon muli ang bibilangin ko para makita at makapiling ko muli sila. Matagal pa ang hihintayin kong araw para makasama ko sila pero maghihintay ako sa araw na iyon. Masarap ba ang nasa abroad? Oo, masarap dahil kumikita ka na ‘di mo kikitain sa Pinas. Pero ‘wag mo nang itanong kung MASAYA ba dahil “ewan" ang isasagot ko sa’yo. Hindi ko isa-suggest na mag-abroad ka kasi mahirap sa Pinas lalo na’t isang ina kang katulad ko. Huwag mo ng dagdagan ang katulad ni Bunsoy na lalaking walang nanay sa tabi niya. Baka hindi mo kakayanin kung mahina ang loob mo. Kung iisipin ko ang pagiging ina ko, malamang uuwi na lang ako sa Pinas for good. Pero sa ngayon, mas gusto kong isipin na isa akong “bayaning inang OFW" dahil mas makabubuti sa kanila na nandito ako sa malayo dahil mas maibibigay ko ang kinabukasan nila. At hanggang ‘di nila natutupad ang pangarap nila sa buhay, magiging inang OFW pa rin ako. Mabuhay tayong mga Pinoy at lahat ng OFW sa buong mundo! - GMANews.TV Roshane96 Kamusta mga Kapuso! Sana’y hindi kayo magsawa sa pagtangkilik sa ating pitak na ito. Habang may mga kababayan tayo sa abroad - pati ang kanilang mga kabiyak, anak, ina, ama o sinuman na kabahagi ng kanilang buhay - na nais magpaabot ng kanilang saloobin mananatili po ang inyong Kwentong Kapuso. Katulad ng dati, hindi kami magsasawa na basahin ang inyong mga kuwento - maigsi man o mahaba. Kahit na ang laman nito ay naglalabas ng sama ng loob, nagbibigay ng inspirasyon, gustong magpayo, magsumbong, magpatawa o kahit nagpapalipas lang ng oras. Kaya hihintayin namin ang inyong mga email na maaari ninyo itong ipadala sa Pinoyabroad@gmanews.tv Sa mga kababayan namin saan mang dako ng mundo, saludo po kami sa inyo. Mabuhay kayo mga masigasig naming Kapuso sa abroad!