Filtered By: Showbiz
Showbiz

Relationship with Jennylyn stronger after HK vacation – Dennis


Mas lalo raw tumibay ang relasyon nina Dennis Trillo at Jennylyn Mercado matapos ang bakasyon nila sa Hong Kong kasama ang kani-kanilang anak. Sa kasalan na nga kaya mauwi ang kanilang pagmamahalan? Sa ulat ni entertainment Lhar Santiago, ikinuwento ni Dennis ang biglaang pagkakasakit ng kanyang anak na si Calix habang nasa Hong Kong sila ni Jen, na kasama naman ang anak na si AJ. Maging ang ilang miyembro ng kani-kanilang pamilya ay kasama rin umano nina Dennis at Jen sa kanilang bakasyon sa HK. Masyado raw malamig sa HK kaya nagkasakit si Calix at kinailangan nila itong isinugod sa isang ospital doon. Laking pasasalamat na lang daw nila dahil mabilis ding bumalik sa normal ang kondisyon ng bata kaya hindi na kailangan ipina-confine. Habang nasa HK, magkasama raw sina Dennis at Jen sa pag-aalaga kay Calix. Ang naturang pangyayari ay hindi raw makakalimutan ni Dennis at nagpatibay lalo sa relasyon nila ni Jen. Mauwi na nga kaya sa kasalanan ngayong taon ang pagtitinginan nila ni Jen? “Wala pa yun, matagal pa ‘yon. Hindi pa namin pinag-uusapan ‘yon masyado. Ano lang kami, relax lang, walang nagmamadali," pahayag ni Dennis sa Chika Minute ng GMA news 24 Oras nitong Biyernes. Maganda naman ang pasok ng 2011 kay Dennis dahil sumabak kaagad siya sa trabaho para sa Dwarfina kung saan makakasama niya si Heart Evangelista. Tingin ni Dennis, magiging maganda ang tambalan nila ni Heart dahil komportable siyang katrabaho ang aktres. “Kahit konti pa lang yung nagawa namin na projects na magkasama kumportable ako sa kanya. Kasi magaling siyang artista, so kahit sino (katambal niya) magaling siyang mag-adjust," puri ni Dennis. - FRJimenez, GMANews.TV