Filtered By: Showbiz
Showbiz

PEP: Kristine Hermosa and Oyo Sotto wed in Batangas


Ikinasal na sina Kristine Hermosa at Oyo Boy sa Club Balay Isabel sa Talisay, Batangas nitong Miyerkules, Enero 12. Dumalo sa espesyal at pribadong seremonya ang buong pamilya ni Oyo at lumipad naman mula pa sa Canada ang pamilya ni Kristine, ayon sa report ng ABS-CBN News. Espesyal ang petsang ito dahil ipinagdiwang din ni Oyo (Vittorio Mari Sotto) ang kanyang ika-27 na kaarawan. Magkasing-edad sila ni Kristine (Kristine Hermosa Orille), na ipinanganak noong September 9, 1983. Kasama sa principal sponsors ng dalawa ang ABS-CBN president na si Charo Santos-Concio at ang head ng Star Magic na si Johnny Manahan. Nagkakilala ang dalawa sa shooting ng unang Enteng Kabisote noong 2004, kung saan gumanap si Kristine na asawa ng ama ni Oyo na si Vic Sotto. Nagsimula naman sila mag-date noong 2006, habang ginagawa ang pangatlong Enteng Kabisote. Noon namang Setyembre 9, 2009, ika-26 na kaarawan ni Kristine, nag-propose si Oyo sa aktres. Agad nila itong ipinaalam sa kanilang mga magulang. Noong Mayo 2010 ay pumunta sa Canada si Oyo para mamanhikan sa mga magulang ni Kristine. Nauna nang ikinasal si Kristine sa aktor na si Diether Ocampo noong Setyembre 2004 sa Nueva Ecija. Noong Hunyo 2005, nag-file ng annulment papers si Kristine dahil wala umanong ibinigay na marriage certificate noong araw ng kasal. Noong Pebrero 2009 na-grant ng Court of Appeals ang annulment ng dalawa. Si Oyo naman ay nagkaroon ng ugnayan noon sa mga aktres na sina Alessandra de Rossi, Anne Curtis, at Angel Locsin. - Mark Angelo Ching, PEP