Filtered By: Topstories
News

PNoy nagsalita sa pagbili ng mamahaling kotse


MANILA – Nagsalita si Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III nitong Huwebes tungkol sa lumabas na ulat na bumili ito ng segunda-manong mamahaling kotse na Porsche. Sa panayam ng media sa Malacanang, ipinaliwanag ni Aquino na nagawa niyang mabili ang Porsche matapos na maibenta ang dati niyang kotse na BMW. "Hindi ho gobyerno ang nagbayad niyan. Ibinenta ko po ‘yung isang sasakyan ko at nagkataon ho meron namang buyer na ‘yun po ang ginamit ko pambayad nitong sasakyan ko [Porsche]," ayon sa pangulo. Walang nakikitang masama si Aquino sa pagbili ng naturang sports car habang kaya pa niyang magmaneho ng mabilis. Hindi rin naman umano niya ito madalas na magagamit. "Ano bang masama na habang may kakayahan pa po akong magmaneho ng ganoong klaseng sasakyan dahil siguro naman pagbaba ko or ten years from now, iba na ang ating reflexes," paliwanag ng pangulo na magiging 51-anyos na sa susunod na buwan. "Hindi naman po ako siguro pupunta ng videogame para sumubok ng eksperiensiyang ‘yon," dagdag pa niya. Una rito, kinumpirma ni presidential spokesman Edwin Lacierda na bumili si Aquino ng “third-hand" 2007 Porsche na kulay puti. "It's a private purchase, it came from his own funds. The purchase were proceeds from the sale of another asset and that other asset was acquired through personal loans," ayon kay Lacierda. Sinabi naman ng isang source na malapit kay Aquino na naibenta ng pangulo ang kanyang blue BMW sa halagang P4.5 milyon. Ang BMW ay nakuha ni Aquino noong senador pa lamang siya at natapos na umano itong mahulugan noong nakaraang taon. Nitong nakaraang Disyembre, nagpalabas ng memorandum si Aquino na nagbabawal sa lahat ng ahensiya na kumuha ng mamahaling sasakyan para sa kanilang operasyon para magamit ng tama ang pondo ng pamahalaan. Kahit bumili ng mamahaling kotse, sinabi ni Lacierda na hindi nilabag ni Aquino ang sarili nitong memorandum dahil personal na pera nito ang kanyang ginamit sa pagbili ng Porsche. "How the president spends his personal funds is entirely his own discretion and I think that should not be used to sow intrigue. If there's anybody planning to do that, let's respect the president's private transactions," ayon kay Lacierda. Idinagdag niya na maingat si Aquino sa paggamit ng pondo ng gobyerno lalo na sa pagbiyahe nito sa ibang bansa. "He's subject to scrutiny as a public official, I will grant you that. [But] what he does, again, privately is entirely his own discretion and I think we should allow him some private space," pagdiin niya. - GMANews.TV