Filtered By: Topstories
News

Baron Geisler dapat ipa-rehab, ayon kay Sen Bong


MANILA – Bagaman dapat umanong parusahan kung mapatutunayang nagkasala si Baron Geisler sa alegasyon ng panghihipo sa kapwa artista, sinabi ni Senador Ramon “Bong" Revilla Jr. na kailangan ding tulungan ang aktor na sinasabing gumon sa alak. Sa panayam ng media, sinabi ni Revilla na kailangang ipasok na sa rehabilitation center si Geisler upang maipagamot ang pagkagumon nito sa alak na hinihinalang nakakaapekto sa kanyang pag-iisip kaya nakagagawa ng hindi maganda sa mga kababaihan. “Dapat ipa-rehab siya ng kanyang magulang dahil kung hindi ay baka ma-ban na siya sa lahat ng network," babala ni Revilla. Kamakailan ay inakusahan si Geisler na dinakma ang dibdib ng batikang aktres na si Cherry Pie Picache habang nasa taping ng kanilang programa. Batay sa mga naglabasang ulat, lasing umano si Geisler nang dumating sa set. Kung totoo ang alegasyon laban kay Geisler, sinabi ni Revilla na hindi ito dapat konsuntihin at kailangan madisiplina ang aktor. Ngunit batay umano sa mga natatanggap niyang impormasyon tungkol sa aktor, sinabi ni Revilla na mabait naman daw ito kapag wala sa impluwensiya ng alak. “He needs help pero hindi natin kinukunsinte ang kanyang ginawa. Dapat talaga siyang mapatawan ng disciplinary action," diin ni Revilla. Hindi ito ang unang pagkakataon na inakusahan si Geisler ng pambabastos. Nakabinbin sa korte ang mga reklamo laban kay Geisler na magkahiwalay na isinampa nina Yasmien Kurdi at Patricia Martinez, anak nina William Martinez at Yayo Aguila. Maging ang Eat Bulaga host na si Julia Clarete ay hinipuan din umano ni Geisler sa isang kasiyahan. Wala pang opisyal na pahayag si Geisler tungkol sa insidenteng kinasasangkutan ni Picache. Samantalang naunang pinabulaanan ng aktor ang mga alegasyon sa kaso ni Kurdi at Martinez. - GMANews.TV
Tags: barongeisler