Filtered By: Topstories
News

Tumangay sa Philpost van: 8 miyembro umano ng carjack-carnap group, huli sa Cavite


Walong lalaki na umano’y miyembro ng isang sindikato na sangkot sa carnapping at hijacking ang nadakip ng pinagsanib na operatiba ng Philippine National Police (PNP) sa Cavite nitong Biyernes. Sa ulat ng GMA primetime news 24 Oras, sinabing kasama sa mga nadakip sa isinagawang raid sa Brgy Paliparan III, Dasmariñas City sa Cavite, ang itinuturong lider ng “Onad Group" na si Ronald Santiago. Ang pinagsanib na puwersa ng PNP ay kinabilangan ng Highway Patrol Group at Special Weapons and Tactics units ng Cavite; police team mula sa Pasay at Bataan provincial police. Bukod sa mga armas, ilang produkto rin katulad ng mga damit, TV set, at tsokolate ang nakuha sa mga suspek. Pinapaniwalaan na kasama ang ito sa van ng Philippine Postal Corp. na tinangay ng mga armadong lalaki sa Cavite noong nakaraang linggo. Sangkot din umano ang grupo sa carnapping na nag-ooperate sa Metro Manila, Central at Southern Luzon.
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV May impormasyon umano ang pulisya na nagbabalak na umatake ang grupo sa Metro Manila bago sila nadakip sa Cavite. Ilang linggo rin umanong minanmanan ang grupo matapos marekober sa Bataan ang sasakyan na tinangay ng grupo sa Batangas. Nagawa umanong subaybayan ng pulisya ang grupo dahil sa ginamit nilang sasakyan. Ayon kay Southern Luzon police director Chief Superintendent Samuel Pagdilao Jr., malaking dagok sa sindikato ng mga kriminal ang pagkakahuli sa grupo ni Santiago. Itinanggi naman ni Santiago at iba pang suspek ang paratang laban sa kanila. Sinabi ni Santiago na binili niya ang mga produkto na nakuha sa kanyang bahay pero hindi nito masabi kung kanino niya binili ang mga ito. Apat na miyembro pa umano ang grupo ang pinaghahanap ng mga pulis. Inaalam rin ng mga imbestigador kung may kinalaman ang grupo ni Santiago sa pagpatay sa mga car dealer na sina Venson Evangelista, at Emerson Lozano at sa drayber nitong si Ernani Sensil. - GMANews.TV