Filtered By: Topstories
News

Conviction rate ng Ombudsman nitong 2010, umabot lang sa 12 percent


MANILA – Umabot lang sa 12 porsiyento ang conviction rate ng Office of the Ombudsman noong 2010, batay sa talaan na ipinalabas ng Sandiganbayan nitong Huwebes. Sa listahan ng Judicial Records Division, lumitaw na nakapagtala lamang ng 30 conviction ang Office of the Special Prosecutor, mula sa 247 kaso na isinampa nito sa Sandiganbayan noong 2010. Ang conviction rate ng Ombudsman noong 2010 ay mataas lamang ng dalawang porsiyento sa conviction rate noong 2009 na 12 percent. Sa naturang panahon, nagawang maipanalo ng Ombudsman ang 36 sa kabuuang 357 kaso na inihain nila. Nakasaad din sa ipinalabas na datos ng Sandiganbayan na umabot sa 58 kaso ang kanilang ibinasura, at 77 kaso naman ang napawalang-sala. May 14 kaso naman ang iniutos na ilipat sa ibang korte dahil sa kawalan nila ng hurisdiksiyon, at anim ang ipina-archive. Lumitaw din na 53 kaso ang binawi ng OSP dahil sa kakulangan ng ebidensiya at hindi sapat na pagsusuri sa mga inihaing katibayan. Subpoena vs Gutierrez handang pirmahan Samantala, inihayag ni Speaker Feliciano “Sonny" Belmonte Jr. nitong Huwebes na pipirmahan niya ang subpoena para kina Ombudsman Ma. Merceditas Gutierrez at mga opisyal nito kung walang legal na balakid. Ang subpoena ay inaprubahan ng House Committee on Justice nitong Miyerkules matapos hindi sumipot sa pagdinig ang grupo ni Gutierrez, kaugnay sa imbestigasyon sa kontrobersiyal na plea bargain agreement na pinasok ng Ombudsman sa dating military general na si Carlos Garcia. “Yes I am inclined to sign (the subpoena)," tugon ni Belmonte nang tanungin ng media tungkol sa subpoena para sa mga opisyal ng Ombudsman. Bukod kay Gutierrez, kasamang padadalhan ng subpoena sina Overall Deputy Ombudsman Orlando Casimiro, Chief Special Prosecutor Wendel Barreras-Sulit, Special Prosecutor III Jose Balmeo, Special Prosecutor II Joseph Capistrano, Deputy Special Prosecutor Jesus Micael at Deputy Special Prosecutor Robert Kallos. Sinabi ni Belmonte na kukonsultahin muna niya ang Legal Department ng Kamara de Representantes para alamin ang legalidad sa pagpapadala ng subpoena sa mga opisyal ng Ombudsman na isang constitutional body. Sa ginawang pagdinig ng komite na pinamunuan ni Iloilo Rep. Niel Tupas, nitong Miyerkules, hindi nagustuhan ng mga mambabatas ang laman ng sulat na ipinadala ni Gutierrez kung saan ipinaliwanag niya ang dahilan kung bakit hindi siya dumalo sa pagdinig. - GMANews.TV