Filtered By: Topstories
News

Runaway OFWs sa ilalim ng isang tulay sa Jeddah, itinaboy sa Konsulado ng Pinas


JEDDAH – Mahigit 120 Pilipino (kabilang ang ilang bata) na nakatira sa ilalim ng Khandara bridge, at naghihintay na hulihin ng mga pulis para mapadeport sa Pilipinas ang itinaboy papuntang Konsulado ng Pilipinas.
Ang mga runaway Pinoys na namalagi sa ilalim ng Khandara Bridge na itinaboy ng mga pulis patungong Konsulado ng Pilipinas sa Jeddah. -- Ronald Concha
Dahil dito, muling nanawagan ang mga Pinoy (karamihan ay runaway overseas Filipino workers), kay Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III, na atasan ang Embahada ng Pilipinas sa Saudi Arabia na tulungan na silang makabalik sa Pilipinas. “Sa kagustuhan naming makauwi (sa Pilipinas) ay pumunta kami sa tulay. Alam po niyo kung ano ang tulay na iyon, naroroon po ang mga taong kagaya naming illegal na walang mapuntahan," ayon sa isang OFW na humiling na huwag na lamang banggitin ang kanyang pangalan. “Kung kami naman ay sisilong sa kung saan-saang bahay ay hinahanapan naman kami ng papel. Kung kami po ay walang trabaho ay paano rin kami makakabayad ng aming mauupahan. Kaya mabuti po na gusto na naming makauwi," dagdag niya. Ang tulay sa Khandara ay malapit lamang sa deportation center ng KSA kung saan dinadala ang mga dayuhan na ipapadeport sa kani-kanilang bansa. Maraming dayuhan (hindi lang mga Pinoy) ang nagtutungo rito upang mapansin ng mga awtoridad sa pag-asang mapansin sila, hulihin, dalhin sa deportation center, at ganap na ipatapon pabalik sa kanilang mga bansa. Nitong Linggo ng gabi, pinuntahan ng Saudi police ang mga Pinoy sa ilalim ng tulay na mistulang mga informal settler sa tinitirhan nilang tagpi-tagping tent. Sinabihan umano ang mga Pinoy na bawal silang tumigil sa ilalim ng tulay at pinayuhang magtungo sa konsulado ng Pilipinas na Jeddah. Kamakailan lamang ay dinagsa ng tulong mula sa mga kababayang Pinoy na ang mga nakatira sa ilalim ng tulay matapos mapabalita ang kaawa-awa nilang kalagayan nang malubog sa baha ang maraming lugar sa Jeddah dahil sa tindi ng pag-ulan. Kabilang ang GMANews.TV sa ilang mamamahayag na nakasaksi sa ginawang pagpapaalis ng mga pulis sa mga runaway OFWs. Walang nagawa ang mga Pinoy kundi ang sumunod sa utos ng mga pulis at nilisan ang ilalim ng tulay. Ngunit nang natapat ang mga naglalakad na Pinoy sa harapan ng deportation area ay pinapasok sila ng mga pulis sa loob nito. Inakala ng mga Filipino community at ng media na doon na mamamalagi ang mga runaway OFWs hanggang sa sila ay mapa-deport. Ngunit nagmistula lamang “nag-overnight" ang mga runaway OFWs sa deportation center dahil kinaumagahan ay pinadala na sila sa konsulado ng Pilipinas sa Jeddah. Ayon kay Consul Leo Tito Ausan ng Philippine Consulate, hindi lamang ang mga Pinoy ang pinaalis sa ilalim ng tulay, kundi maging ang iba pang dayuhan na nandoon at pinapunta sa kanilang konsulada. “Since pinagtabuyan sila ng mga pulis at wala silang mapupuntahang iba ay mas mabuti na ang nandyan sila sa tabi namin. Kasama ang iba’t ibang aktibong grupo ng ating komunidad ay ating pagtutulong tulungan na maisaayos ang ating mga kababayan na naririto ngayon," pahayag niya. Sinabi ni Ausan na sisikapin nilang mapalakas ang kanilang representasyon para mapauwi na sa Pilipinas ang mga Pinoy sa lalong madaling panahon. - Ronald Concha, GMANews.TV