Filtered By: Topstories
News

Ex-auditor ng COA, maglalakad ng hubot’ hubad sa kalye kapag naabsuwelto si Garcia


MANILA – Isiniwalat ng dating auditor ng Commission on Audit (CoA) na si Haydee Mendoza, na nakipagkasundo siya noon na maglalakad sa kalye ng hubo’t hubad kapag nabasura ang kaso laban sa dating military general na si Carlos Garcia. Sa pagharap ni Mendoza sa pagdinig ng isang komite sa Kamara de Representantes nitong Martes, iginiit niya na kumpiyansa siya na malakas ang mga ebidensiya laban kay Garcia para madiin ito sa mga kasong kinakaharap sa Sandiganbayan. Sa lakas ng ebidensiya, sinabi ni Mendoza na nakipagkasundo siya kay Ombudsman Special Prosecutor II Joseph Capistrano, na maglalakad silang nakahubad mula sa Sandiganbayan (sa Batasan, Quezon City), patungong Welcome Rotonda, kapag napawalang-sala si Garcia, dating comptroller ng Armed Force of the Philippines. “Maglalakad kami ng hubot’ hubad mula Sandiganbayan hanggang Welcome Rotonda if the case is dismissed," pagsisiwalat ni Mendoza na magiging tanda umano ng kanilang protesta. Ginawa ni Mendoza ang pahayag sa House Committee on Justice na pinamunuan ni Iloilo Rep. Niel Tupaz. Dumalo sa naturang pagdinig si Ombudsman Ma Merceditas Gutierrez, at kanyang mga opisyal. Ang grupo ni Gutierrez ay pinadalhan ng subpoena ng liderato ng Kamara, makaraang isnabin nila ang pagdinig ng komite noong nakaraang linggo. Si Mendoza ang naatasan noon na magsagawa ang auditing sa pondo ng AFP. Mariin niyang tinutulan ang pagpasok ng Ombudsman sa kasunduan kay Garcia para makalusot sa kinakaharap niyang plunder at anti-money laundering case na nakabinbin sa Sandiganbayan.
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV $5 milyon, hindi nakatala Ayon kay Mendoza, may nakita siyang $5 milyon na financial support mula sa United Nation na hindi umano nakatala sa official books ng AFP nang isagawa niya ang auditing. “The fund from the United Nation (worth) $5 million did not enter the AFP book of accounts. Kaya lamang po with reservation, as I said I have not seen my documents for six years, ito out of recall lang. But it was not the time of General Garcia, kasama po sa documents na turn-over ko sa Office of the Ombudsman," kuwento ni Mendoza. Ngunit hindi umano alam ni Mendoza kung sino ang opisyal sa AFP na kumubra sa tseke na nagkakahalaga ng $5 milyon. “I was informed that the check was personally picked-up by an officer of the Armed Forces. The officer was not named, kahit patayin po ninyo ako dito hindi talaga pinangalanan sa akin kung sino ang nag-picked-up," pagdiin niya. Sa kabila ng kanyang hangarin na mabigyan ng hustisya ang mga karaniwang sundalo dulot ng katiwalian sa paggamit ng pondo si AFP, sinabi ni Mendoza na nadismaya siya sa naging utos ng dati niyang boss na si COA chairman Guillermo Carague na magdahan-dahan sa gagawing pagsusuri sa financial records ng militar. May nakita umano siyang voucher check na nagkakahala ng P200 milyon na pirmado nina Garcia at Col. Fernando Sabat. Ngunit hindi umano malaman kung saan napunta ang P50 milyon nito. Batay sa dokumento ng Sandiganbayan, may voucher na nagbibigay awtorisasyon na mag-withdraw P200 milyon mula sa Land Bank Greenhills (Account No. 0552-1001-90) noong November 28, 2002, at idineposito sa tatlong three account (sa nasabi ring araw) sa ilalim ng AFP inter-Agency Transfer Fund Account sa UCPB. Ang unang P50 milyon ay napunta sa Savings Account No. 132-121431-8 at ang P100 milyon ay sa Premium Savings Deposit (PSD) No. 1743 na may Serial number 347264, na parehong sa UCPB Alfaro branch. Ang nalalabing P50 milyon na sinasabing nawawala ay napunta naman sa PSD No. 1743 na may Serial Number 347266 sa UCPB Tordesillas branch, na umano’y lumitaw na “fictitious" account. Bukod dito, nagduda rin si Mendoza nang matuklasan niya na ang pondong bigay ng UN ay unang ipinasok sa Land Bank of the Philippines sa General Santos City at Iloilo, sa halip na sa branch na malapit sa Camp Aguinaldo sa Quezon City. Nakatanggap din umano si Mendoza ng sulat mula sa Jeff Cole, legal attaché ng United States, na humihiling na magsagawa ng auditing sa $5 milyong military funds ng UN. Si Mendoza ang inatasan ni dating Ombudsman Simeon Marcelo na pangunahan ang 11-person team para mag-audit sa pension fund ng mga sundalo, Balikatan fund, United Nations fund, at Armed Forces of the Philippines Modernization fund, kasunod ng pagsasampa noon ng kaso laban kay Garcia. Pero nang magbitiw sa Ombudsman si Marcelo noong 2005, sinabi ni Mendoza na naiwan na siyang mag-isa sa paghahanap ng katotohanan. Nakatanggap pa umano siya ng direktiba kay Carague na huwag nang isumite ang kanyang ulat dahil wala na ang opisyal na nagpagawa sa kanya ng imbestigasyon. “It was unthinkable, it was not an easy job," ayon kay Mendoza na pinili na lamang magbitiw sa trabaho sa kabila ng mga magagandang posisyon na inialok sa kanya tulad ng international auditing post sa New York. Walang ayusan sa kaso ni Garcia Sa pagharap niya sa Kamara, nanindigan si Gutierrez na hindi maipapanalo ang kaso laban kay Garcia at hindi sapat ang mga natuklasan ni Mendoza para maidiin ang dating heneral. Itinanggi rin niya na nagkaroon ng suhulan para makipagkasundo ang Ombudsman kay Garcia. “Walang ayusan dito, walang perahan dito. Kung may kumita rito, tamaan na ng kidlat at mamatay na ngayon din. Ganito kalinis ito at wala kaming ‘tinatago," ayon kay Gutierrez. Idinagdag niya na nananatili ang kanyang suporta rekomendasyon ng prosekusyon na makipagkasundo sa dating heneral na namahala sa pondo ng AFP. “We want to get the most of what we can get from the accused then now we are being tried by publicity because of misrepresentation and false accusations," ayon kay Gutierrez. “I was told that the report she made, she made alone, they pointed to the AFP transactions without linking Garcia." Hindi rin umano sapat ang sulat na ibinigay ng asawa ni Garcia na si Clarita, na naglalaman umano ng pag-amin tungkol sa transaksiyon ng dating heneral sa AFP. “It was a recommendation from the prosecutors that we don’t have enough evidence, there is weak evidence to convict Garcia that’s why we bargained. . . . If he will just be acquitted, we might as well get all the properties we can get from him so we end up the winner," paliwanag ni Gutierrez. - GMANews.TV