Filtered By: Topstories
News

Rep. Ecleo hindi kakanlungin ng Kamara, ayon kay Belmonte


MANILA – Hindi umano makikialam ang Kamara de Representante sa gagawing pag-aresto kay Dinagat Islands Rep. Ruben Ecleo Jr., na inutos ipadakip ng Sandiganbayan dahil sa kinakaharap na kasong katiwalian.

“We will not stop the serving of the warrant," deklara ni Speaker Feliciano Belmonte Jr., kaugnay sa arrest warrant na ipinalabas ng Sandiganbayan First Division laban kay Ecleo, ang “supreme master" ng Philippine Benevolent Missionaries Association (PBMA), sa Dinagat Islands.

Ang pahayag ni Belmonte ay kinatigan ni Ilocos Norte Rep. Rodolfo Farinas, bar topnotcher at vice chairman of the House committee on justice.

Sinabi ni Farinas na hindi hahadlang ang Kamara sa pagpapatupad ng hustisya.

“The House will not interfere in the administration of justice. It will not even be involved in turning him over as anyone who has been convicted with finality must voluntarily turn himself over to the court that granted him bail or he becomes a fugitive from justice," ayon sa kongresista.

Ang arrest warrant ay ipinalabas ng Sandiganbayan matapos magpalabas ng desisyon ang Korte Suprema na tuluyang ibasura ang petisyon ni Ecleo na baligtarin ang naunang desisyon ng anti-graft court na nagkasala ang kongresista sa kasong tiwalian.

Sa ipinalabas na desisyon ng Sandiganbayan noong Oktubre 2006, hinatulan sina Ecleo, na noo’y alkalde sa bayan ng San Jose, Dinagat, Surigao del Norte mula 1991-hanggang 1994; dating municipal planning and development coordinator Anadelia Navarra; at private contractor na si Ricardo Santillano ng PBMA Builders, na makulong ng 18 hanggang 31 taon .

Ang hatol laban kina Ecleo ay bunga umano ng maanomalyang proyektong pinasok ng mga akusado. Kasunod nito ay naghain naman ng magkahiwalay na petisyon sa SC sina Ecleo at Santillano.

Si Ecleo, ay anak ni dating Surigao del Norte Rep. Glenda Ecleo. Nasangkot din ang nakababatang Ecleo sa kasong pagpatay sa kanyang asawa na si Alona Bacolod-Acleo noong Enero 2002.

Kalagitnaan naman ng 2002, muling pumutok ang pangalan ni (Ruben) Ecleo nang salakayin ng mga pulis ang PBMA compound sa Dinagat para ihain ang arrest warrant sa kanya. Nanlaban ang mga kapanalig ni Ecleo na magresulta sa pagkamatay ng 22 miyembro nito.

Patatalsikin sa Kamara

Bunga ng desisyon ng SC, sinabi ng mga lider ng Kamara na kaagad na tatalakayin ang proseso sa pagpapatalsik kay Ecleo bilang miyembro ng kapulungan.

Ayon kay House Majority Leader Rep. Neptali “Boyet" Gonzales II, maaaring ipatupad ang sistemang ginamit noon kay dating Zamboanga del Norte Rep. Romeo Jaloslos, na kaagad inalis sa listahan ang pangalan nang lumabas ang hatol sa kongresista.

Si Jalosjos ay nakulong noong 1997 matapos mahatulang nagkasala dahil sa pagsiping sa isang minor-de-edad. Nakalaya si Jalosjos noong 2009.

“If the penalty imposed includes the accessory penalty of perpetual and absolute disqualification to hold any public office, I think it does, as soon as the House of Representatives receives certificate of finality of judgment, his name will be deleted from the roll, parang ‘yung kay Jalosjos," paliwanag ni Gonzales.

Ngunit para kay Farinas, dapat manggaling sa House ethics committee ang proseso ng pagpapatalsik kay Ecleo.

“If the decision convicting him becomes final, that will be a ground for his expulsion. The (House) ethics committee will take action motu proprio," ayon kay Farinas. - GMA News