Filtered By: Showbiz
Showbiz

i-Witness docu of man and his dogs turned into film


Dahil sa pinagdaang pagsubok sa buhay na inaasahang makapagbibigay ng inspirasyon sa iba, ginawang pelikula ang dokumentaryo ni Howie Severino tungkol sa isang matandang lalaki, at dalawa niyang alagang aso. Ang kuwento ng pakikipagsapalaran ni Mang Sergio, kasama ang matatalino niyang aso na sina Habagat at Bagwis, ay unang napanood sa dokumentaryo ni Howie sa i-Witness. Ayon kay entertainment reporter Nelson Canlas, ang dokumentaryo ni Howie ang naging inspirasyon upang isapelikula ang buhay ni Mang Sergio at kanyang mga alaga sa indie film na The Dog Show. Sa shooting ng pelikula, nagpamalas ng talento ang mga aso nang masagot ng tama sa pamamagitan ng pagtahol ang tanong ni Nelson tungkol sa pinagsamang numero.
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV Bagamat may edad na, umiikot si Mang Sergio sa iba’t ibang lugar kasama ang kanyang show dogs upang makalikom ng pera. Ang pera ay iniipon noon ni Mang Sergio para makuha ang mga anak na dinala ng kanyang asawa sa probinsiya. Sa Chika Minute ng GMA news 24 Oras nitong Biyernes, sinabi ni Mang Sergio na patuloy pa rin ang kanyang pakikipagsapalaran sa buhay kasama ang kanyang mga alaga. “Masaya rin minsan, may kalungkutan din minsan," pagtatapat ni Mang Sergio. Ang beterano at batikang aktor na si Joonie Gamboa, na gaganap sa The Dog Show bilang si Mang Sergio, ay labis na humanga sa kuwento ng huli. “Napakaganda ng istorya, napaganda ng struggle ni Sergio. Hinangaan ko siya dun sa struggle niya eh," ayon kay Joonie. Kasama rin sa pelikula ang itinuturing “Indie Princess" na si Mercedes Cabral. Ngunit hindi katulad ng iba niyang indie films na pawang sexy, hindi raw magpapakita ng katawan si Mercedes sa Dog Show. “Kaya ko rin tinanggap kasi hindi ko kailangang magpakita ng katawan. Para sa akin acting piece itong ginagawa ko," pahayag ng aktres na itinuturing challenging ang kanyang role sa pelikula. - Fidel R Jimenez, GMA News