Filtered By: Showbiz
Showbiz

GMA 7 Network now leads national ratings race


Pinataob ng GMA Network, Inc. (GMA-7) ang iba pang free-to-air television channels, hindi lang sa Mega Manila kundi maging sa National Urban Philippines, batay sa datos ng mas pinagkakatiwalaang ratings supplier na Nielsen TV Audience Measurement. Lumitaw sa household data sa National Urban Philippines mula January hanggang February 13, 2011 (overnight data), ang mga programa ng Kapuso Network ang mas pinapanood ng mga tao na may 33.2 share points. Mas mataas ito ng 1.4 points sa 31.8 share points ng ABS-CBN; at kalamangan ng 18.3 points kontra sa 14.9 pints ng TV5. Sa naturang panahon din sa Total Urban Luzon, na kumakatawan sa 77 percent ng total television households nationwide, halos 10 points ang lamang ng GMA sa sumusunod na kakompetensiya. Batay sa datos, nakakuha ang Kapuso Network ng 36.5 points, laban sa 26.7 points ng ABS-CBN, at 16.9 points ng ABC5. Sa viewer-rich Mega Manila, na kumakatawan sa 58 percent ng total television households nationwide, kumamada ang GMA 7 ng 37.7 share points, mas mataas ng 12.5 points laban sa 25.2 points ng ABS-CBN; at 20 points na bentahe sa 17.7 points ng ABC5. Nitong January ay inilunsad ng GMA 7 ang ilang program na nakatulong sa patuloy na pangingibabaw ng Kapuso Network sa mga kakompitensiya. Mula January hanggang February 11, ang mga programa na humataw sa ratings sa kanilang mga timeslots sa National Urban Television Audience Measurement (NUTAM), ay kinabibilangan ng Machete ni Aljur Abrenica na may 25.1 points; I Heart You Pare pinangungunahan nina Regine Velasquez at Dingdong Dantes na may 29.7 points; Dwarfina nina Heart Evangelista at Dennis Trillo na may 27.3 points; at ang afternoon hit na Alakdana ng patok na tween loveteam nina Louise delos Reyes at Alden Richards na may 40.3 share points.
Sa gagawing paglulunsad ng mga bago pang programa, inaasahan na patuloy at maaaring lalo pang humataw sa rating race ang Kapuso Network sa darating na mga araw. Kabilang sa mga bagong programa ay ang Nita Negrita na pangungunahan ng Tween Royalties Barbie Forteza at Joshua Dionisio; Magic Palayok ng real life sweethearts na sina Carla Abellana at Geoff Eigenmann at ang Moral ni Nadine Samonte. Ang Nielsen TV Audience Measurement na ginagamit ng GMA 7 ay siya ring ginagamit na gabay sa ratings ng 21 iba pang kumpanya. Kasama rito ang TV5, Solar Entertainment, Faulkner Media, CBN Asia, at 13 pang advertising agencies at tatlo pang regional clients. Samantala, tanging ang ABS-CBN lamang ang local network na sinasabing kumukuha sa serbisyo ng Kantar Media, dating TNS. Sa Mega Manila, ang Nielsen TV Audience Measurement ay may sample size na 880 homes kumpara sa 770 homes ng Kantar Media. Sa buong bansa, nasa 2,005 homes ang total sample size ng Nielsen kumpara sa sample size ng Kantar na nasa 1,370 homes lamang. - FRJ, GMA News