Filtered By: Showbiz
Showbiz

Apl.de.ap to join other OPM artists at EDSA 1 anniversary


Ibinalita ni Ogie Alcasid na makakasama ang international Fil-American singer na si Apl.de.ap ng mga Pilipinong mang-aawit na magtatanghal sa 25th year anniversary ng EDSA 1 People Power revolution sa Pebrero 25. Si Ogie ang presidente ng OPM (Organisasyon ng mga Pilipinong Mang-aawit), at itinalaga ni Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III, na isa sa convenor para sa 25th anniversary celebration EDSA People Power 1. Miyembro na rin si Ogie ng EDSA People Power Commission (EPPC). “Happy to announce that apl.de.ap has agreed to perform on February 25 for the 25th anniversary of edsa! Hope to see you all there!," pagbalita ni Ogie sa kanyang tweet nitong Sabado. Sinabi ni Ogie na gagawin ang pagtatanghal para sa tinawag na “Tatak Edsa 25" sa People Power Monument sa EDSA. Magsisimula ito dakong 6: 00 pm hanggang hatinggabi. Sa hiwalay na tweet ng television host na si Kris Aquino, sinabi nito na silang dalawa ni Ogie ang magsisilbing host ng event. “Apl de Ap is flying in to perform specially for the event. Doing a 1 hr set! Winner!," nakasaad sa tweet ni Kris. - FRJimenez, GMA News