Filtered By: Showbiz
Showbiz

10-yr-old Youtube star: Lady Gaga fan Maria Aragon to appear on DeGeneres’ show


Natupad ang kahilingan ng mga tagasuporta ng 10-year-old Filipina-Canadian na si Maria Aragon na ma-guest ito sa sikat na programa ni Ellen DeGeneres. Sa online news site na CBCNews Canada, kinumpirma umano ng nakatatandang kapatid ni Maria na magta-taping na ito sa naturang show. Pero hindi sinabi kung kailan ipalalabas ang naturang episode. Ang maging guest sa Ellen DeGeneres Show ang isa sa mga naging laman ng mga tweets at comments nang lumabas sa Youtube ang video sa pagkanta ni Maria sa awitin ni Lady Gaga, na “Born This Way." Mula nang i-upload sa Youtube noong nakaraang linggo ang pagkanta ni Maria sa 'Born This Way,' umabot na ngayon sa mahigit 10.7 milyon ang nakapanood nito. rojuanearagon | This is a cover of Lady GaGa's new song "Born This Way." Maging sina Lady Gaga at Ellen ay nag-post ng kani-kanilang tweets tungkol sa pagkanta ni Maria. (Read: Filipina becomes overnight star thanks to Lady Gaga) "Can't stop crying watching this. This is why I make music. She is the future," nakasaad sa tweet ni Lady Gaga. Nagkausap din sina Maria at Lady Gaga sa isang radio program sa Canada (HOT103), kung saan bahagya silang nag-duet . "When I saw you, so young and so beautiful, singing the words (to my song) so purely, it reminded me why I wrote this song and why I make music," ayon kay Lady Gaga na nagpaiyak kay Maria. Inimbitahan din ng sikat na international singer si Maria na kumanta sa kanyang concert na gagawin sa Toronta, Canada. - FRJImenez, GMA News