Filtered By: Topstories
News

Revamp sa Lakas-Kampi: Sen Revilla, bagong lider; Gibo, Edu 'di sumipot


MANILA – Hinirang si Senador Ramon “Bong" Revilla Jr., bilang bagong lider ng partidong Lakas-Kampi-CMD, kapalit ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, kongresista na ngayon ng Pampanga. Sa isinagawang eleksiyon ng mga bagong lider ng Lakas-Kampi sa Pasig City nitong Huwebes, hindi kasamang dumalo ang naging pambato ng partido sa nakaraang May 2010 presidential elections na sina dating defense Sec Gilberto “Gibo" Teodoro at running mate nitong si Edu Manzano. Gayunman, 112 sa 149 na miyembro ng Lakas-Kampi national executive council, ang sumipot sa pagtitipon at nagpahayag ng suporta sa bagong liderato ng partido. Pumalit kay Arroyo bilang chairperson ng Lakas-Kampi si House minority leader Edcel Lagman. Hinirang naman ang dating pangulo bilang chairperson emeritus, posisyon na inialok noon kay dating pangulong Fidel V. Ramos. Magsisilbing lider ng partido sa bawat rehiyon sina Reps. Simeon Datumanong (Maguindanao); Rolando Andaya (Camarines Sur) at Danilo Suarez (Quezon). Nahalal bilang executive vice president si Iloilo Gov. Arthur D. Defensor Sr., at secretary general si Rep. Jose Aquino (Agusan del Sur). Hindi naman sinipot ng mga kongresista na kaanib ng Kampi sa pagtitipon. Ikinunsidera nila ang sarili na tiwalag na sa alyansa ng Lakas-Kampi, matapos iparehistro sa Commission on Elections ang bagong partido na National Unity Party. Kabilang sa mga orihinal na kasapi ng Lakas na dumalo sa pagtitipon ay sina dating Executive Secretary Eduardo Ermita, dating Speaker Prospero Nograles, dating justice Secretary Raul Gonzales, dating Gov. Bong Carrion at mga natalong senatorial bets na sina Silvestre Bello III, Raul Lambino at Ramon Guico. Bring back the glory Sa pagtanggap ng bagong posisyon, sinabi ni Revilla na pangunahin niyang misyon ay mapag-isa muli ang partido at mahikayat na bumalik ang mga umalis. Isasantabi rin umano muna ng partido ang pulitika para tulungan ang administrasyong Aquino sa mga programa nito para sa bansa. “Lakas will once again blaze trails for our partymates and for our nations. You can also expect me to live out principles and lead by example," ayon kay Revilla. “Regardless of all criticism, we get things done. We have proven that through proper leadership and management, we can emerge triumphant and victorious," dagdag pa niya. Idinagdag ng senador na ang Lakas-Kampi-CMD pa rin ang pinakamalakas na partido sa bansa dahil sa dami ng mga nahalal na opisyal sa nakaraang halalan na umaabot sa 748. “This number is more than enough to say that if we tune our actions and act as one united force, we can deliver what the people needs," ani Revilla. “Our country needs a dedicated, experienced, grounded and decisive leadership that puts more value in substance, rather than form; a leadership that puts a premium on what has actually been done, rather than what can be perceived from what should be done." - GMA News