Habang hinihintay ng marami ang kapalaran ng 15-year-old na Fil-American na si Thia Megia sa American Idol, isa pang kalahok na may dugong Pinoy ang nakapasok na sa Top 24 ng sikat na singing contest sa US.

26-years-old Clint “Jun" Gamboa
Sa episode ng
American Idol Season 10 na ipinalabas sa GMA News TV 11 nitong Huwebes, isa-isang kinausap ng
Idol judges na sina Steve Tyler, Jennifer Lopez, at Randy Jackson ang mga kalahok. Halos hindi makapaniwala ang Fil-Am na si Clint “Jun" Gamboa, 26 years old, mula sa Long Beach, California, na nakapasok siya sa top 24. Bukod sa magandang boses, nagmarka si Jun sa
AI Season 10 dahil sa kanyang pagsusuot ng malalaking salamin. Nagtatrabaho si Jun bilang karaoke host, at dalawang ulit nang tinanghal na karaoke champion sa Southern California. Sa nakaraang episode ng
American Idol, naging kontrobersiyal ang grupong kinabibilangan ni Jun nang pinaalis nila ang 15-anyos na si Jacee Badeaux sa group audition sa Hollywood. Samantala, naging emosyunal at napaiyak naman si Jennifer nang ipaalam niya sa kalahok na si Chris Medina na hindi ito nakapasok sa top 24. Naging markado ang audition ni Chris dahil sa kuwento ng kanyang fiancee na napinsala ang katawan dahil sa isang sakuna. Malalaman naman ang kapalaran ni Thia kung mananatiling buhay ang kanyang pangarap sa American idol sa susunod na episode. Sa Linggo ay mapapanood ang
American Idol "Las Vegas" week sa GMA 7.
FRJimenez, GMA News