Filtered By: Showbiz
Showbiz

A star-studded Tatak EDSA 25 grand party


Pinaningning ng mga artista at mang-aawit ang gabi ng selebrasyon ng ika-25 taong anibersaryo ng EDSA People Power 1, na tinawag na Tatak EDSA 25 nitong Biyernes. Ang selebrasyon na nagsimula dakong 7: 00 pm sa People Power Monument ay pinangunahan nina Ogie Alcasid at Kris Aquino bilang host ng event. Naging katuwang nina Ogie at Kris sa pagho-host sina Dingdong Dantes, Ruffa Gutierrez at Ai Ai Delas Alas. “Nung 1986 ang musika ang kumbaga d’yan tayo nagkaisa, sa mga kantang Magkaisa, hanggang sa Handog ng mga Pilipino sa Mundo, sa kanta ni Ka Freddie na Bayan Ko, d'yan tayo nagkaintindihan, d'yan natin nakuha ang message, “ ayon kay Ogie, president eng Organisasyon ng mga Pilipinong Mag-aawit. Matapos magbigay ng maigsing mensahe, bahagya ring umawit si Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III, kasama ang ilang opisyal ng pamahalaan. Napakinggan din ang awitin na ginawa ni Ogie para sa naturang okasyon na pinamagatan niyang “Ang Galing ng Pinoy."
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV Ginawaran naman ng parangal si Freddie Aguilar dahil sa kanyang naging kontribusyon sa naganap na EDSA 1 people power na naganap noong 1986. Dahil sa mapayapang rebolusyon, nagpatalsik ang diktaturyang rehimen ni dating Pangulong Ferdinand Marcos. Ang “theme song" ng EDSA 1 na “Bayan Ko" ay kinanta ni Freddie, habang si Regine Velasquez-Alcasid ang kumanta ng “Magkaisa." Inawit ni Brenan Espartinez ang, "Handog ng Pilipino Sa Buong Mundo." Ilan sa mga celebrities na dumalo sa Tatak Edsa 25 ay sina Jerico Rosales, Aegis, Imago, Sandwich, Pupil, The Dawn, Jaya, Mark Herras, Elmo Magalona, Jay Perillo, Duncan Ramos, Kyla, Rochelle Pangilinan, Gloc 9, Point Blank, at Lolita Carbon, Frenchesca Farr at Geoff Taylor. Nagsilbing finale sa programa ang Pinoy international singer na si Apl.de.Ap ng Black Eyed Peas, na nagpaindak sa mga taong dumalo sa selebrasyon. Tinapos ang selebrasyon sa makulay na fireworks display. - FRJimenez, GMA News