Filtered By: Showbiz
Showbiz

Ma Venus Raj lookalike Roxanne Cabañero denies she’s the naked Internet girl


Mabilis na nakilala si Roxanne Cabañero dahil sa kanyang pagkakahawig kay Miss Universe 4th runner-up Ma Venus Raj. Pero ngayon ay nakita rin ni Roxanne na hindi sa lahat ng pagkakataon ay nakabubuti ang pagkakaroon ng kamukha. Napilitan si Roxanne na magbitiw silang kandidata sa Bb Pilipinas Beauty Pageant dahil sa kumalat na larawan sa Internet ng isang babae na hubot-hubad na mula sa isang porn site. May mga blog na nagsasabi na ang hubad na babae ay si Roxanne, na mariin namang pinabulaan ng dalaga. Unang nasilayan sa telebisyon si Roxanne nang lumabas ito sa programang Wish Ko Lang ng GMA 7 noong Enero. Naging kapansin-pansin kasi ang malaking pagkakahawig ni Roxanne kay Venus na iniidolo ng dalaga.
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV Masayang-masaya si Roxanne dahil sa tulong naturang programa ay nakausap niya si Venus. Natupad din ang kanyang pangarap na makasali sa beauty pageant na sinalihan mismo ng kanyang idolo. Pero ngayon ay nahaharap sa pagsubok si Roxanne dahil sa iskandalo na kagagawan ng sinasabing kahawig din niya. “Hindi ako ‘yon," pahayag ni Roxanne sa panayam ni GMA News reporter Claire Delfin sa GMA news 24 Oras nitong Huwebes. “Nakita ko ‘yong picture ika nga gumuho talaga yung mundo ko, sabi ko hindi ako ‘yan. Tinitingnan ko yung nanay ko na umiiyak dahil lang sa’ken, sa mga nangyayari sa’ken, so masakit." Ang pamunuan umano ng Binibining Pilipinas Charity Inc (BPCI) ang naghikayat kay Roxanne na umatras sa kompetisyon dahil sa naturang iskandalo. Sa isang pahayag, sinabi ng BPCI na may sinusunod silang estriktong patakaran sa pagsala ng mga kandidata: “Bb Pilipinas is governed by stringent rules and policies that are acceptable internationally. We strive to be very thorough in our screening, but when violation s or misrepresentations unravel, albeit deliberate or not, we call the candidates’ attention to the matter. The ladies were subsequently removed from the official roster." Ayon kay Roxanne, masakit para sa kanya na bitawan ang kanyang childhood dream na makoronahan na Bb Pilipinas. Pero ang malinis ang kanyang pangalan ang prayoridad niya ngayon. Nagpatulong na rin siya sa National Bureau of Investigation para matukoy kung sino ang nasa likod ng kumalat na malaswang larawan para maibangon ang nadungisang dangal at makamit ang hustisya. Umaasa pa rin naman si Roxanne na darating ang panahon na maipagpapatuloy niya ang kanyang pangarap na masundan ang yapak ng kanyang idolo na si Ma Venus Raj. - Fidel R Jimenez, GMA News