Filtered By: Showbiz
Showbiz

Dream of 10-yr-old Maria Aragon to sing with idol Lady Gaga comes true


'Myself +10 year Old Lady Maria of Winnipeg. She signed my t-shirt, she ate my heart, just like you," Lady Gaga (twitpic)
Natupad na ang pangarap ng 10-year-old Filipino-Canadian na si Maria Aragon na makasama sa pagkanta ang kanyang idolo na si Lady Gaga sa concert ng pop superstar sa Toronto, Canada. Iniulat ng GMA News TV (channel 11) nitong Biyernes, na naganap ang pagkikita ng idolo at tagahanga nitong Huwebes ng gabi (Biyernes ng umaga sa Manila), sa Lady Gaga's 2011 Monster Ball Tour, sa Air Canada Center sa Toronto. Sa ibabaw ng stage, sa harap ng libu-libong manonood, nakinandong ni Lady Gaga si Maria at kinanta nila ang hit song na “Born This Way." Nagsimula ang koneksiyon ng sikat na idolo at ng batang tagahanga nang mapanood ni Lady Gaga sa Youtube ang video ni Maria habang kinakanta ang “Born This Way." “Can't stop crying watching this. This is why I make music," pahayag ni Lady Gaga sa kanyang twitter account noong Peb 18. Mula noon, umabot na sa mahigit 17 milyon ang hits ng naturang video. Unang nakausap at maigsing nag-duet ang dalawa sa isang radio program kung saan inimbithan ni Lady Gaga si Maria na kumanta sa kanyang concert sa Toronta. Kasunod nito ay nag-guest na si Maria sa ilang sikat na shows gaya ng Good Morning America at Ellen DeGeneres show. Sa kanilang pagkikita sa concert, nagpalitan ng t-shirt sina Lady Gaga at Maria. Ipinakita pa ni Lady Gaga ang naturang larawan sa kanyang twitpic page. “Myself +10 year Old Lady Maria of Winnipeg. She signed my t-shirt, she ate my heart, just like you," ayon sa pop star. Lubos naman ang pasasalamat ng batang Fil-Canadian sa pagkakataon na ibinigay sa kanya ng idolo at nakuhang suporta mula sa publiko. Pag-aaralan naman daw ng pamilya ni Maria ang alok ng mga recording companies na hanga sa talento ng batang Fil-Canadian. - FRJimenez, GMA News