Filtered By: Topstories
News

Beach wedding: Same sex marriage isinagawa sa Pangasinan


BALITANG AMIANAN - Umayon ang magandang panahon sa ginanap na beach wedding para sa gay couple na Pinoy at Amerikano sa Binmaley, Pangasinan. Masaya sa katuparan ng kanilang pangarap na magpakasal sina Luther Noah, mula sa Virginia, USA, at Pinoy na si Richard Lim. Dumalo sa kasal ang mga magulang, kaanak at mga kaibigan ni Lim. Masaya ang pamilya ni Lim dahil natagpuan na raw nito ang taong makapagpapaligaya sa kanya. Emosyonal ang mga magulang ni Lim, lalo na ang kanyang ina. Suportado raw nila ang desisyon ng anak na magpakasal kay Noah. Itinuturing love at first sight daw ang nangyari sa dalawa. Hindi na raw mapaghiwalay ang couple muna nang magpunta sa Virginia si Lim at makilala doon si Noah. "I’m happy with Chay, I want to be with him for the rest of my life…He agreed to marry me," ayon kay Noah. Magtaas man daw ng kilay ang ilan dahil sa kanilang pagpapakasal, hindi na raw iyon mahalaga at hindi na rin nila iniisip. Sinabi ni Lim na hindi siya nababahala at iginiit na walang pinipili ang pag-ibig. Ang pag-iisang dibdib nina Lim at Noah ay pinagtibay ng Metropolitan Community Church o MCC. Ito ang unang pagkakataon na nagsagawa ng gay marriage ang MCC. Kadalasan umano ay mga lesbiyana ang ikinakasal ng MCC. Sinabi Myke Sotero, MCC pastoral leader, legal man o hindi ang tingin sa ginawang seremonya sa kasal, ang mahalaga umano ay naipahayag ng mga ikinasal ang kanilang pagmamahalan sa isa’t isa. - Balitang Amianan