Filtered By: Topstories
News

Hirap na dinanas sa disyerto ng Libya, ikinuwento ng mga OFW


MANILA – Ikinuwento ng mga overseas Filipino worker (OFW) ang hirap na dinanas nila sa pagtawid sa disyerto ng Tripoli sa Libya para makaiwas sa kaguluhan sa naturang bansa. Isinumbong din ng mga OFW sa mga kongresista na dumalo sa pagdinig ng House committee on overseas welfare affairs, ang umano’y kawalan ng malasakit na ipinakita ng isang opisyal ng Embahada ng Pilipinas sa Tripoli. “Marami pang mga Filipino ang tumatawid sa border, humihingi sila ng awa na tulungan ang iba pang manggagawang Pinoy. Kami po ay hindi Camel, tao po kami na mga Filipinong nagta-trabaho ng marangal," ayon sa OFW na si Ryan Venida.
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV Sa harap din ng mga kinatawan ng Department of Foreign Affairs (DFA), Department of Labor and Employment (DOLE) at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), na dumalo sa pagdinig, inihayag nina Arsenio Carba Jr. at Romeo Urbiztondo, na kulang ang nakuha nilang suporta sa pamahalaan. “Apat na araw kami sa disyerto at walang pagkain at inumin tapos ang sasabihin lamang sa amin ng mga opisyal ng pamahalaan ay ‘magdasal na lang kayo, wala na kayong magagawa. Sa disyerto safe kayo," sumbong ni Cabra. Isa umanong opisyal sa embahada ng Pilipinas Tripoli na nagngangalang Jovencio Catbagan, ang nagpayo sa mga OFW na magdasal na lamang dahil wala na silang magagawa. Napilitan na umano ang mga OFW na tumawid sa disyerto matapos silang abandonahon ng kanilang mga employer sa gitna ng lumalalang sitwasyon sa Libya. Taliwas sa ikinilos ng opisyal ng Pilipinas, sinabi ng mga OFW na naging mabilis ang pagtugon ng mga opisyal ng Thailand at Tunisia sa kanilang mga kababayan. Nangako naman si DFA Assistant Sec. Rafael Regis na iimbestigahan nila ang sumbong ng mga OFW. “Ito po ay aming iimbestigahan, at kung totoo po ang sumbong ay kakasuhan natin ng administratibo at pauuwiin sa bansa (ang isinumbong na opisyal)," pagtiyak ni Regis. - GMA News