Filtered By: Topstories
News

Pinuno ng BIR, lumambot sa kontrobersiyal na annual information return (AIR)


MANILA – Ipinangako ni Internal Revenue (BIR) Commissioner Kim Jacinto-Henares sa mga kongresista na irerekomenda niya sa Department of Finance (DoF) na iurong ang kautusan na nag-oobliga sa mga indibidwal na kumikita ng mahigit P500,000 bawat taon na magsumite ng annual information return (AIR). Ang pahayag ay ginawa ni Henares matapos dumalo sa pagdinig ng House committee on ways and means, nitong Martes. Ikinatuwa naman ni Bayan Muna Rep. Teodoro Casino ang desisyon ni Henares na katigan ang posisyon ng mayorya ng mga kongresista na tutol sa AIR, na hindi umano naiiba sa SAL. “We're happy that she listened to reason," kabilang sa mga mambabatas na naniniwalang labag sa Konstitusyon ang kautusan ng DOF. “BIR Commissioner Kim Henares agreed to withdraw her BIR circular requiring taxpayers to file an Annual Information Return (AIR or BIR Form No. 1705). We took pains explaining the fundamental constitutional, legal, technical and procedural problems caused by her Revenue Regulation 2-2011. In the end, she agreed to recommend its withdrawal to the DOF Secretary," ayon sa party-list congressman. Una rito, naghain ng resolusyon ang magkapatid na sina Cagayan de Oro City Rep. Rufus Rodriguez at Abante Mindanao party-list Rep. Maximo Rodriguez Jr., upang ipatawag at pagpaliwanagin si Henares tungkol sa AIR. “The provisions contained in RR 02-2011 may already be considered as an encroachment to the right to privacy of individuals, a right which is protected also by the 1987 Philippine Constitution," paliwanag ng magkapatid. Iginiit ng dalawa na maituturing ilegal ang RR 02-2011 kung walang batas na susuporta sa implementasyon nito. Dahil sa mga protesta, nagdesisyon ang BIR na gawin munang “optional" ang pagsusumite ng AIR ngayong taon sa halip na “mandatory." Tinawag naman ni House Majority Leader Neptali Gonzales II na “useless" ang isinusulong ng DOF dahil wala namang nakasaad na parusa sa ipinalabas na kautusan para sa mga hindi magsusumite ng AIR. Nais ng BIR na ipatupad ang AIR para malaman ang kabuuang kinikita ng isang indibidwal, na labas sa kanilang regular na trabaho. Kabilang dito ang pagbenta o palitan ng mga real property, mga ari-arian na natanggap sa pamamagitan ng regalo, at iba pang ibang pinagkukunan ng kabuhayan ng isang taxpayer. Ipinaliwanag ni Henares sa mga kongresista na importante rin naman ang naturang plano dahil sa pamamagitan nito ay malalaman ang pinagmumulan ng kayaman ng bawat indibidwal. - GMA News