Filtered By: Showbiz
Showbiz

American Idol: Thia Megia makes it to the next round


Umusad sa susunod na round ng American Idol ang 15-year-old Filipino-American na si Thia Megia. Nitong Biyernes (Manila time), nakakuha ng sapat na boto si Thia para hindi makasama sa “Bottom 3." Ang tatlong kalahok na may pinakamababang boto ay sina Naima Adedapo, Haley Reinhart, at si Karen Rodriguez, na siyang napatalsik sa kompetisyon. Hindi sinagip ng mga Idol judges na sina Jennifer Lopez, Randy Jackson at Steven Tyler, ang 21-years-old na si Karen na umawit ng “Hero" ni Mariah Carey para sa kanyang last-chance performance. Nagtanghal naman ang Black Eyed Peas at inialay ang kanilang awitin sa mga naging biktima ng kalamidad sa Japan. Uploaded by QuackOffNetwork/ Sa nakaraang episode ng Idol, inawit ng 12 kalahok ang mga sikat na kanta nang panahon na isinilang sila. Pinili ni Thia ang "Colors of the Wind" ni Vanessa Williams na naging theme song ng movie ng Pocahontas. Bagaman nasiyahan naman ang mga judges sa pag-awit ni Thia, nakulangan pa rin si Jackson at inihalintulad ang performance ng Fil-Am contestant sa isang pageant. Unang napatalsik sa Top 13 contestants ng Idol si Ashton Jones. Sa naturang episode, nakasama rin sa "bottom 3" ni Ashton sina Haley at Karen. Ang American Idol ay napapanood sa Pilipinas via GMA News TV 11 at sa cable channel na Star World tuwing Huwebes at Biyernes (Manila time). - FRJImenez, GMA News