Filtered By: Topstories
News

‘Day of the Unborn’: Pinakamalaking pagtitipon vs RH bill, gagawin sa Marso 25


MANILA – Tinawag na “Day of the Unborn" ang ikinasang pagtitipon ng mga kontra sa pagpasa ng kontrobersiyal na Reproductive Health bill sa Marso 25, sa Quirino Grandstand sa Manila, at pangungunahan ng Simbahang Katoliko. Sinabi ni Msgr. Juanito Figura, secretary general ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP), na “grandmother of all RH rallies" ang gagawing pagtitipon sa Luneta upang ipakita ang puwersa at pagkakaisa ng mga kontra sa kontrobersiyal na panukalang batas. Inaasahang pagbobotohan sa plenaryo ng Kamara de Representantes sa susunod linggo ang RH bill na mahigpit na isinusulong ni House Minority Floor leader Edcel Lagman (Albay). Ngunit bago ang pagtitipon sa Luneta, sinabi ni Figura sa panayam ng Veritas Radio nitong Biyernes, na isang banal na misa ang gagawin sa Manila Cathedral sa Marso 23 na iaalay sa mga grupong kontra sa RH bill. Hinimok ni Figura ang mga pari na mag-concelebrate sa misang isasagawa sa Manila Cathedral na gagawin ganap na 9: 00 am. “The mass will be also prelude to our big rally on March 25 at Luneta, ayon kay Figura. Sinabi naman ng lider ng Pro-Life Philippines na buong puwersang sasama sa Luneta rally ang Diocese ng Novaliches, Diocese ng Balanga-Bataan at Diocese ng Antipolo. Tugon umano ito sa panawagan ni Manila Archbishop Gaudencio Cardinal Rosales na magkaisa para labanan ang RH bill na banta umano sa matatag na pamilya, kasagraduhan ng buhay at moralidad ng mga Pilipino. Samantala, sa isinagawang survey ng Veritas Radio sa 19 kongresista sa Metro Manila, lumitaw na siyam sa mga ito ang tutol sa RH bill, anim ang pabor at apat ang undecided. Ang mga tutol umano sa RH bill ay sina Reps Marcelino Teodoro (Marikina); Roman Romulo (Pasig); Edwin Olivarez (Paranaque); Oscar Malapitan (Caloocan); Roilo Golez (Paranaque); Vincent Crisologo (Quezon City); Imelda Rubiano-Calixto (Pasay City); Theresa David-Bonoan (Manila) at Amado Bagatsing (Manila). Ang mga pabor naman na maisabatas ang RH bill sina Reps Ann Rosenda Campo (Manila); Veronique Josephine Lacson-Noel (Malabon); Mary Mitzl Cajayon (Caloocan); Marl-len Abigail Binay (Makati); Rodolfo Biazon (Muntinlupa) at John Jeorge Banal (Quezon City). Ang mga hindi pa nakakapagdesisyon ay sina Sigfrido Tinga (Taguig); Federico Romero-Quimbo (Marikina); Carlo Lopez (Manila) at Winston Castelo (Quezon City). - GMA News