Filtered By: Topstories
News

Kaalyadong senador ni PNoy, tutol na ipagpaliban ang halalan sa ARMM


MANILA – Ilang senador – kabilang ang kaalyado ni Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III – ang nagpahayag ng pagtutol sa plano ng pamahalaan na iurong sa 2013 ang halalan sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM). Ayon kay Sen Francis Escudero, mali at ilegal ang nais mangyari ni Aquino na ipagpaliban ang ARMM polls na nakatakdang gawin sa darating na Agosto, at magtatalaga ng mga pansamantalang mamumuno sa autonomous region hanggang 2013. Naniniwala ang senador na kailangang idaan sa plebisito ang mungkahing ipagpaliban ang halalan sa ARMM. Sa ganitong paraan ay malalaman kung pabor ang mga mamamayan sa rehiyon na iurong ang eleksiyon. Sinertipikahan ni Aquino na priority bill ang panukalang batas na nagpapaliban sa ARMM polls at inaasahang pagbobotohan ito ng mga kongresista sa susunod na linggo. Sinabi ni Escudero na ang paraan para makamit ang kapayapaan ay sa pamamagitang paggalang sa demokrasya at umiiral na mga batas. “The only way to achieve lasting peace is by following the basic rudiments of democracy and due process. Let the people of ARMM decide for themselves who they want to choose as their leaders. They know who is good for them," aniya. Pinaalalahanan naman ni Sen. Ferdinand “Bongbong" Marcos Jr., ang Palasyo na isang autonomous region ang ARMM kaya dapat dumistansiya ang Malacanang sa usapin ng pagpili ng mga lider nito. “The Palace's insistence on the postponement of elections in the ARMM region and subsequent appointment of Officers-in-charge (OIC's) to replace elected officials in the interim goes against the very core of the charter that, being, autonomy. No amount of legalese will change the spirit of the laws that govern the ARMM charter," giit ni Marcos. Idinagdag ng senador na mas makabubuti na sundin ng Malacanang salitang “awtonomiya" at igalang ang karapatan ng mga tao doon na mamili ng kanilang lider. “If the palace will find the strongest resistance were they to attempt to appoint officials in another province, it adds irony that they are doing this in a region that has an autonomous character as mandated by law," paliwanag ni Marcos. - GMA News