Filtered By: Topstories
News

Natl disaster management convention, iminungkahi ni Rep Angara


MANILA – Nanawagan sa pamahalaan ng Pilipinas ang isang kongresista na matuto sa mapait na karanasan ng mga mamamayan ng Japan upang maglatag ng mahusay na programa na titiyak sa kahandaan ng mga Pinoy sakaling tamaan din ng malakas na lindol at tsunami ang bansa. Sa isang pahayag, sinabi ni Aurora Rep Juan Edgardo “Sonny" Angara, na tulad ng Japan, nasa tinatawag na “Pacific Ring of Fire" ang Pilipinas, kaya may peligro na mangyari rin sa bansa ang kambal na kalamidad na nanalasa sa Japan. Ngunit taliwas sa Japan na mayroong maayos na tsunami warning system na magbibigay ng babala ang mga residente sa papalapit na panganib, ang Pilipinas umano ay wala, ayon sa kongresista. “Japan has a network of tsunami warning system which enabled them to evacuate people to higher ground but still the number of people who are either dead or missing is beyond imagination. Here in the Philippines, we don't have a single tsunami warning system and a ready evacuation plan. A disaster similar to what happened in Japan would be devastating in apocalyptic scale," pahayag ni Angara. “Japan's earthquake should serve as a wake up call. A disaster of that scale would surely push the country back to stone age and loss of lives would be horrific," dagdag pa niya. Iminungkahi ni Angara na magpulong ang Malacanang at Kongreso para makabuo ng isang national emergency plan na titiyak sa malawakang kahandaan ng bansa sa pagharap sa matinding kalamidad gaya ng tumama sa Japan. Bukod sa paglalagay ng mga early warning system sa lugar na malapit sa karagatan na unang tatamaan ng tsunami, dapat na magsagawa rin umano masusing pag-inspeksyon sa katatagan ng mga gusali sa buong Pilipinas para matiyak na kakayanin nito ang malakas na lindol. Sinabi ng mambabatas na kailangang magdaraos ng national disaster management convention na dadaluhan din ng mga opisyal sa lokal na pamahalaan, disaster management experts, Philippine National Police at Armed Forces of the Philippines, para mailatag ang national disaster management plan ng bansa. “What happened in Japan is a disaster that is also waiting to happen in the Philippines considering the fact that we are among the nations that is within the Pacific Ring of Fire. With the kind of disaster preparedness system that we have, it is unimaginable what would happen to us in the event of an earthquake that approximates the power of Japan's earthquake," pangamba ni Angara. - GMA News