Filtered By: Topstories
News

Sapat na pondo nais matiyak sa paglikas ng mga Pinoy sa mga bansang may krisis


MANILA – Dapat maghanda ng financial contingency fund ang Department of Budget and Management (DBM) para maiuwi sa Pilipinas ang mga Pilipinong maiipit sa mga bansang nahaharap sa iba’t ibang krisis. Ito ang iminungkahi ng kinatawan ng Department of Foreign Affairs (DFA) na dumalo sa isinagawang pagdinig ng House Committee on Overseas Worker’s Affairs, kaugnay sa kahandaan ng pamahalaan na iuwi sa bansa ang mga Pinoy sa Japan, Libya, Yemen, Bahrain at Saudi Arabia. Sa naturang pagdinig nitong Miyerkules, sinabi ni Michael Macaraig, kinatawan ng DFA, lubhang malaking pondo ang kakailanganin ng pamahalaan para mailikas sa Pilipinas ang mga Pinoy na maiipit sa mga bansang nahaharap sa kalamidad o kaguluhan. “All of us are trained to assist OFWs whether it is right or wrong, we are supposed to help them. But how can we do our jobs when things are purely based on budget? If we only have P480 million to repatriate 15,000 Filipinos, the Philippines would go bankrupt," paliwanag ni Macaraig. Makabubuti umano kung may maihahandang financial contingency plan ang DBM na magagamit ng DFA para matulungan ang mga magigipit na Pinoy sa abroad. Pagtaya ni DFA assistant secretary Virgilio Reyes, napakalaking pondo ang kakailanganin para mailikas ang may 1.8 milyong Pilipino sa mga bansa sa North Africa na nagkakaroon ng mga kaguluhan tulad ng Libya, Egypt, Tunisia, Bahrain, at Yemen. Bukod pa ito sa Saudi Arabia na mayroon ding nagaganap na mga kilos protesta kung saan tinatayang aabot sa 1 milyon ang Pinoy na nagtatrabaho. Hindi masabi ni Reyes, kinatawan ng Office of the Undersecretary for Migrant Workers’ Affairs (OUMWA), kung magkano ang eksaktong halaga na kakailanganin kapag inilikas ang mga Pinoy sa mga bansang may krisis ngayon. Upang matiyak na may nakahandang pondo na magagamit sa paglilikas, iminungkahi sa DBM ni Akbayan party-list Rep. Walden Bello, pinuno ng komite, na maglaan ng paunang pondo na P550 milyon. “These resources have been quite inadequate if we are going to talk about being pre-emptively concerned to be able to meet the situation. We have to come up to speed because our great worry has precisely been that events are running ahead of us," paliwanag ni Bello. Sa paglilikas ng mga Pinoy sa Libya, pondo mula sa kontrobusyon ng mga overseas Filipino workers (OFWs) sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ang ginastos na umabot din sa P500 milyon. Ayon kay Carmelita Dimzon, administrator ng OWWA, nangako umano ang DBM na ire-reimburse ang naturang gastusin. Sinabi naman ni Flordeliza Pascual, kinatawan ng DBM, na maaaring gamitin ang P250 milyon mula sa savings ng DFA’s e-passport project para sa ipandagdag sa pondo ng Assist The Nationals (ATN). - GMA News