Filtered By: Topstories
News

PNoy maaaring pumunta sa prayer rally kontra RH bill sa Luneta, ayon sa obispo


MANILA - Bukas umano sa lahat – maging kay Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III – ang gaganaping prayer rally sa Quirino Grandstand sa Luneta sa Biyernes upang ipakita ang pagtutol sa kontrobersiyal na Reproductive Health Bill. Ayon kay Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo, CBCP-NASSA chairman, ang prayer rally ay panalangin sa pagpapahalaga sa buhay lalo na sa mga nasa sinapupunan pa lamang. “Kung pupunta siya (Aquino) walang problema. Bukas naman sa lahat iyong prayer rally natin. Lahat naman kasi tayo doon ay magdarasal para sa buhay. Kaya nga tema natin ay Filipinos Unite under God for Life," paliwanag ng obispo nang makapanayam sa Radyo Veritas nitong Huwebes. Ngunit nilinaw ni Pabillo na ang huling pasya tungkol sa pag-imbita sa pangulo ay nasa kamay ni Manila Archbishop Cardinal Rosales. “Si Cardinal na mag-invite kay Pnoy. Si Cardinal ang nanawagan ng prayer rally na ito kaya hayaan na lang natin kay Cardinal na imbitahin niya ang pangulo. Basta itong rally na ito ay bukas para sa lahat na naniniwala sa kasagraduhan ng pamilya at buhay," dagdag ng obispo. Kasabay nito, kinondena ni Pabillo ang ginawang pagsira umano ng pro-RH bill na si Carlos Celdran sa karatulang may nakasaad na “No to RH Bill" na nakapaskil sa CBCP Office sa Intramuros, Manila. Inakusahan ng obispo si Celdran, tour guide at historuan, na hindi umano gumagalang sa kalayaan sa pamamahayag. “Doon natin makikita ang attitude ng mga pro-RH. Sila iyong mga hindi gumagalang sa freedom of expression. So ngayon lumalabas na yang mga katangian nila na pilit nilang binabaliktad at ipinupukol sa Simbahan," ayon kay Pabillo. Minsan na ring nakulong si Celran nang magprotesta sa gitna ng isang misa para kondenahin ang pagtutol ng Simbahang Katoliko sa RH Bill. - GMA News